Bago pa kita makilala, akala ko’y mananatiling mailap ang kaligayahan—tila napakalayo, hirap abutin gaano man ako magpumilit. Sa totoo lang, dumating pa nga sa puntong inakala kong iisa na lamang ang magiging kapalaran ko: ikubli ang aking tunay na nararamdaman. Marahil, ito ay bunga ng takot na maaaring maulit sa sandaling masaksihan muli ng mundo ang aking tunay na pagkatao.
Kasalanan nga bang maituturing ang umibig sa isang gaya mo?
Ako’y nanatiling nakapiit sa paniniwalang habambuhay akong mag-iisa sa mundong pinamumugaran ng mga nilalang na mala-santo at santa. Unti-unti kong binitiwan ang pag-asang maaabot ko pa ang tinatawag nilang “langit,” sapagkat sabi nila, walang puwang dito ang katulad kong nabubuhay sa kasalanan.
Subalit, nang dumating ka, tila dininig ng Poon ang aking mga taimtim na panalangin. Binansagan man nila akong hangal na makasalanan—sabik at desperadong kumapit sa kaginhawaan—nagpadala pa rin Siya ng isang anghel sa katauhan ng isang namumukod tanging nilalang na siyang magiging kasangga ko sa lahat ng bagay. Hindi ka man kasingliwanag ng bukang-liwayway, hindi ka rin kasingdilim ng takipsilim. Gayunpaman, sa bawat oras na ikaw ay aking kasa-kasama, sa bawat sandaling ika’y aking kapiling, ang iyong presensya ay may kung anong hiwagang hatid. Banayad at magaan, wari bang sa tuwing niyayakap mo ako, nadarama ko ang pagyapos ng himpapawid sa aking katawang matagal nang nagtiis sa mga bakas ng sugat na iniwan ng nakaraan.
Sa’yo ko natuklasan na maaari pa pala akong lumigaya, na maaari pa pala akong masilayan ng liwanag at makaranas ng kaginhawaan, at na kahit ako’y lubos na makasalanan ay maaari pa ring mahalin.
Hindi naman pala maling umibig sa isang gaya mo.
Basta’t ito’y nagmumula at dumadaloy mula sa puso—
patungo sa’yo.
Sino nga bang mag-aakalang ang langit ay hindi pook na matatagpuan sa itaas, o isang tahanang hinahanap sa dulo ng panalangin. Narito lamang pala ito sa lupa, nananahan sa katauhan ng isang natatanging nilalang, sa presensiyang hindi nakikita ngunit lubos na nadarama.
Ang langit nga ba’y nandito lamang sa lupa?
Marahil, sa piling mo ito’y aking matatagpuan.
Larawang guhit ni Prince Lloyd Sebuco
