“May pasok kaya?”
Tuwing may bagyo, isa lamang ito sa mga tanong ng mga estudyante habang naghihintay ng malinaw na abiso tungkol sa pagsuspinde ng klase.
Ito ang karaniwang sitwasyon mula noong sumalubong ang Agosto na nagdala ng matitinding pag-ulan sa buong Luzon dulot ng Bagyong Maymay at ng pinalakas na habagat, na nagdulot ng sunod-sunod na pagsuspinde ng klase sa iba’t ibang lugar. Kapansin-pansin din na may mga pagkakataong saka lamang naibababa ang suspensyon matapos na suungin ng mga estudyante ang mga balakid at panganib sa pagpasok. Sa ganitong sitwasyon, paano ba dapat nagpapasya ang mga kinauukulan kapag kaligtasan na ng mga mamamayan ang nakataya?
Nagpapatupad ng suspensyon ng klase upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mamamayan mula sa mga nakaambang panganib na maaaring idulot ng kalamidad. Daang bagyo na ang dumaan sa ating bansa, kaya’t para sa nakararami, hindi na bago ang mga ganitong pangyayari: magkakaroon ng malakas na pag-ulan, matinding hangin, at malawakang pagbaha sa mga kalsada. Kaugnay nito, marami ang umaasa sa agarang anunsyo hinggil sa posibleng pagkaantala ng pagpasok sa pamantasan.
Hindi maikakaila na ang pagkakaroon ng sunod-sunod na suspensyon ng klase ay maaaring magdulot ng learning loss na maaaring magpababa sa antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Ito ay tinatayang katumbas ng pagkawala ng humigit-kumulang kalahati hanggang isang buong taon ng pagkatuto na maaari ring makaapekto sa kanilang grado sa iba’t ibang asignatura. [1] Kaya naman hinihikayat ng DepEd ang bawat lokal na pamahalaan na maging maingat sa pagpapatupad ng kanselasyon ng klase upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala sa pag-aaral. Nagbigay din sila ng mga naitalang paraan upang mabawi ang learning loss gaya ng pagpapatupad ng make-up classes, at ng alternative learning modes gaya ng online synchronous at asynchronous classes upang maipagpatuloy pa rin ang pagkatuto sa lahat ng antas. [2][3]
Subalit kung ang pagiging maingat sa pagpapatupad ng suspensyon ay nagdudulot ng pagkaantala sa paglalabas ng anunsyo at, sa halip na makapagbigay ng proteksiyon, nagiging dahilan upang mailagay sa panganib ang mga estudyante, nararapat lamang na muling pag-isipan ng mga kinauukulan ang kanilang mga batayan sa pagpapasya. Bagaman mahalaga ang pagpapatuloy ng pagkatuto, sa mga ganitong sitwasyon, ang kapakanan at kaligtasan pa rin ng mga mag-aaral ang unang dapat isaalang-alang.
Maliban dito, hindi naman lahat ng pag-ulan ay nangangailangan ng pagsuspinde ng klase. Subalit, kapag ang inaasahang pag-ulan ay may posibilidad na magdulot ng malawakang pagbaha at iba pang panganib sa mga mag-aaral at manggagawa, hindi na lamang ito karaniwang usapin ng panahon, bagkus usapin na rin ng kaligtasan at kahandaan ng komunidad.
Naglalabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng mga weather forecast, rainfall warnings, severe weather bulletins, at iba pang pagtataya tungkol sa mga posibleng banta ng tropical cyclones at malalakas na pag-ulan. Gaya ng mga Tropical Cyclone Wind Signal na nagbibigay ng napapanahong kondisyon at inaasahang epekto ng paparating na bagyo sa isang lugar. [4] Bukod dito, binibigyang-halaga rin mismo ng National Disaster Risk Reduction and Management Plan (NDRRMC) ang risk-informed decision-making [5], mga napapanahong early warning systems, at ang pagsasagawa ng iba pang naaangkop na hakbang bago pa lumala ang isang banta. Kabilang na ang mga mekanismo gaya ng Free Mobile Disaster Alerts Act, na nagmamandato sa mga telecommunications company na magpadala ng libreng text o mobile alerts bago at habang nagaganap ang isang sakuna. [5]
Ngunit bakit may mga pagkakataon pa ring naghihintay muna na lumala ang sitwasyon bago maibaba ang anunsyo, kung mayroon namang mga impormasyong maaaring gamiting batayan upang matukoy kung aling mga lugar ang madalas bahain at kung sinu-sino ang higit na apektado rito? Gaya ng nangyari sa University of Santo Tomas (UST), kung saan maraming mag-aaral ang na-stranded dahil sa abot-tuhod na baha sa loob ng unibersidad matapos ang huling anunsyo ng suspensyon ng klase. [6]
Hindi dapat ipinagpapaliban ang pagsuspinde ng klase. Kinakailangang itong pagdesisyunan nang maagap, malinaw, at naipapabatid sa lahat. Sa kabilang banda, hindi lang naman panganib ang kahaharapin ng mga estudyante kung sakali. Sa bawat pagpasok, kaakibat nito ang gastos sa pamasahe, pagkain, at iba pang pangangailangan. Kung kaya’t sa tuwing ganitong masama ang panahon, mas doble ang kanilang pagsisikap at pagpupursigi na makapasok sa pamantasan upang makaabot sa kanilang klase. At kung naibaba lamang ang anunsyo ng pagkansela ng klase sa oras na nakarating na sila sa unibersidad, hindi ba’t sayang ang perang ginastos at sakripisyong kanilang ginawa, lalo na’t kailangan pa ulit nilang bumiyahe pauwi.
Sa ganitong panahon, mahalaga ang malinaw at maagap na pakikipag-ugnayan ng mga opisyal tuwing may kalamidad, sapagkat sila ang pangunahing daluyan ng impormasyong kinakailangan ng publiko sa gitna ng panganib. Gayunpaman, hindi lamang nilalaman ng mga anunsyo ang mahalaga, kundi maging ang paraan at oras ng paghahatid nito. Hindi ito panahon para sa mga biro gaya ng paggamit ng linyang “Wagi ang Team Atabs” mula sa anunsyo ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso tungkol sa suspensiyon ng face-to-face classes,[7] sapagkat maaari nitong mailihis ang pansin mula sa mensaheng kailangang maunawaan ng publiko.
Hindi kabawasan o pag-aaksaya ng oras ang pagkakaroon ng maaga, malinaw, at direktang pag-aanunsyo ng suspensyon. Dahil bahagi ito ng pananagutang kaakibat ng pagiging pinuno—pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayang nagluklok sa kanila sa puwesto. Sa ganitong panahon, hindi na dapat kinakailangang mamili sa pagitan ng kaligtasan at ng pagpapatuloy ng klase. Maaaring sarado na ang mga silid sa pamantasan pagkatapos ng suspensyon, subalit matagal nang nalantad sa panganib ang mga estudyante.
Ang kaligtasan ay hindi isang huling-minutong tugon—dapat itong maging unang konsiderasyon.
Iginuhit ni Remjan Ashley Claire Pimentel
