DISCLAIMER | Ang mga akdang pampanitikan na inilathala ng USMO sa artikulong ito, na nagmula sa Herons’ Flight Magazine Vol. 4: Echo, ay hindi kumakatawan sa mga pananaw ng Unibersidad ng Makati, mga administrador, kawani, o mga mag-aaral nito.
“Pabili po!”—isang pamilyar na katagang karaniwang naririnig sa gitna ng masikip at maingay na pila sa mga nakahanay na food stalls dito sa UMak. May nagtatawanan, may nagmamadali, may kaniya-kaniyang ganap sa buhay.
Maaaring ang mga pagkaing hindi natin madalas nabibigyang-pansin ay yaong nabibili lamang sa mga simpleng pwesto sa gilid-gilid. Hindi natin napapansin ang mga taong naging parte na ng ating pang araw-araw na gawain sa unibersidad.
Sino sila?
Kalansing ng gamit ang kanilang pampagising sa umaga. Bagama’t inaantok, kanila nang sinisimulan ang pagluluto ng resipi na tila nakaukit na sa kanilang isipan dahil sa paulit-ulit na nakagawian. Kahit nakasasawa, kahit nakakapagod, sila’y patuloy na lumalaban at nakikibaka sa agos ng buhay.
Ang mga tindahang akala natin ay isang kainan lamang– hindi lang gutom ang kanilang pinapawi. Sa likod nito ay may mga kwentong nakakubli. Sa bawat pagkain na kanilang inihahain, may pangarap silang minimithi.
Sila ang ating mga school vendor. Sa likod ng bawat ngiti ay mga hindi nakikitang laban na araw-araw nilang hinaharap. Tusok-tusok pa man yan, inumin o biskwit, para sa kanila ang pagtitinda ay hindi lang basta “simpleng” pagtitinda lamang.
Halos tatlong taon na ang nakalipas mula nang magsimulang magtinda ng siomai rice si Nanay Analiza. Noong kasagsagan ng pandemya, ramdam niya ang bigat ng hirap—ang pangambang baka hindi na niya kayang itaguyod ang kaniyang pamilya. Doon niya napagtanto na kailangan niyang gumawa ng paraan para mabuhay. Sa tulong ng kaniyang kapatid na nagtatrabaho sa registrar’s office, nagkaroon siya ng pagkakataong magsimula, kahit maliit na puhunan lamang ang hawak.
Ngunit hindi naging madali ang daan. Ang inakala niyang simpleng hanapbuhay ay naging tila laban araw-araw. Minsan mabenta, minsan halos wala siyang maiuuwi. Aniya, “Kapag maulan, minsan wala talagang benta kasi walang masisilungan yung mga bata.” Sa mga ganitong araw, hindi niya maiwasang magtanong sa sarili kung sapat pa ba ang kaniyang kinikita para ipagpatuloy ang pagtitinda.
Ngayon, mas maliit na ang kaniyang puwesto kaysa dati—wala na siyang sariling hugasan at nabawasan pa ang gamit na matagal niyang pinaghirapan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nananatili si Nanay Analiza sa kaniyang maliit na mesa, patuloy na nagtitinda ng siomai rice. Sapagkat para sa kaniya, bawat piraso ng siomai ay hindi lamang paninda—ito ang kaniyang paraan ng pag-asa, sakripisyo, at pagmamahal para sa kaniyang pamilya. Upang hindi na muling maranasan ang pait at hirap na dinanas noon, patuloy siyang nagsusumikap—hindi lang para mabuhay, kundi para patuloy na buuin at itaguyod ang sarili.
Sa kabila ng kaniyang mga pagsubok, patuloy ang kanyang pagkayod. Isa na rin dito si Nanay Belinda na may kaparehong kwento ng pagtitiyaga at pag-asa.
Si Nanay Belinda ay nagtitinda naman ng fries, hotdog, biswit, chichirya, kendi, at iba pa. Ang kaniyang pangarap ay makapagtapos ang kaniyang anak na kasalukuyang nasa ikalawang taon sa kolehiyo. Magdadalawang taon na nang siya ay nagsimulang magtinda dito sa UMak.
Hindi daw basta-basta ang preparasyon. Madaling-araw pa lamang ay nagsisimula na siyang magluto at maghanda, umaasang sapat ang kikitain upang maitaguyod ang pang-araw-araw. Ayon sa kaniya, “Kapag mabagal ka, hindi mo na maaabutan ang oras kung kailan mabenta.” Sa bawat pagtakbo ng oras, tila siya man ay kailangang tumakbo rin upang humabol sa pangangailangan ng buhay.
Kapag may bakanteng oras ang kaniyang anak, tumutulong ito sa pagtitinda. Doon na rin sila minsang nagkakasabay kumain, at kung minsan ay dinadala pa ng anak ang kaniyang mga kaibigan.
Sa dami ng kaniyang suki—empleyado, estudyante, kaibigan, at maging mga opisyal ng unibersidad—tila naging pamilya na rin ang turing niya sa kanila. Sa bawat pagbati, tawanan, at biruan, napapawi ang kanyang pagod. Sapagkat para kay Nanay Belinda, hindi lamang kita ang sukatan ng kanyang araw, kundi ang mga ugnayang nabubuo at ang pag-asang dala nito para sa hinaharap ng kanyang anak.
Para naman sa mga estudyante, ang mga tindahang ito ay hindi para lamang sa kaginhawaan ng kanilang mga sarili.
“Sa tingin ko, mas napapadali ang pagbili kasi nasa campus, ayun accessible. Yung iba mura lang kaya affordable siya sa mga student na kagaya ko. Marami ring pagpipilian, may mga biscuits, street foods, drinks, mga kanin, ulam at ayun marami pang iba.” wika ni Angela, isang estudyanteng regular na bumibili sa mga food stall sa loob ng UMak.
Ayon naman kay Safah, isang Muslim na kolehiyong estudyante, “Maganda na may pagpipilian sa pagkain– lalo na sa aming Muslim community dito sa UMak. May mga nagtitinda ng halal foods at may mga nakikita rin akong Muslim vendors dito sa stalls.”
May mga pagkakataon din na mas nagiging personal ang koneksyon. “May mga nagiging close rin kami ng kaibigan ko na mga school vendor,” dagdag niya.
Sa mga salitang binitiwan ng mga estudyante, makikita ang epekto ng mga school vendors sa kanilang buhay. Hindi lamang sila mga tagabenta—sila’y naging kaibigan, kakampi, at bahagi ng ating komunidad sa UMak.
Iilan lamang sina Nanay Analiza at Belinda sa mga school vendors na patuloy na nagtataguyod para sa kanilang pamilya. Kahit mahirap, sila”y patuloy na nagsusumikap. Sa kabila ng kaniyang mga pagsubok, patuloy ang kanyang pagkayod—tulad ng iba pang mga nagtitinda sa ating paligid.
Sa aking pakikipag-usap sa ilan sa kanila, iisa lamang ang tema ng kanilang mga kasagutan: Para ito sa kabuhayan. Para sa sarili, sa anak, at sa pamilya.
Ang sabi nga nila, “Ang may tiyaga, may nilaga.” Sa bawat pagtitinda, may sakripisyo. Sa bawat sakripisyo, may pag-asa. Hindi man agad-agad ang bunga, ang bawat araw na pagpupursige ay hakbang tungo sa mas magandang bukas.
Kaya sa susunod na marinig mo ang “Pabili po!”—na sana’y ‘wag lang pagkain ang iyong bilhin, kundi maging bahagi ka rin ng pagkilala sa kwento, sakripisyo, at pangarap sa likod ng bawat kainan.
Inilathala ni Remjan Ashley Claire Pimentel
