May mga bagay na minsan lamang isinusuot, ngunit mananatili sa alaala habambuhay. Katulad na lamang ng sablay—ang telang marahang ibinababa sa balikat at iniikot sa kabila, bilang tradisyon sa isang seremonya na isinasagawa sa araw ng pagtatapos at nagsisilbing isang payapang pagkilala sa lahat ng pinagdaanan. Para sa marami, ito ay sagisag ng tagumpay, bunga ng mga gabing walang tulog, mga pagsusulit na nalampasan, at mga pangarap na unti-unting naaabot. Ngunit sa likod ng seremonya at mga palakpak ng mga tao, may isa pang kahulugan ang salitang ito. Sablay—isang pagkukulang, isang pagkadapa, at mga pagkakataong muntik nang sumuko ang isang tao sa kaniyang paglalakbay.
Sa araw ng pagtatapos, tila ba nabubunot na malalaking tinik sa lalamunan—lahat ng pagod, luha, at pangambang matagal na kinimkim ay unti-unti nang napapalitan ng ginhawa at pag-asa. Nakangiti ang mga estudyante habang tangan ang kanilang diploma, kumikislap ang mga kamera, at umaalingawngaw ang mga pagbati mula sa pamilya, mga propesor at kaibigan. Sa paningin ng iba, ito ang sukdulan ng tagumpay, isang kuwentong may masayang wakas. Ngunit, walang nakaaalam sa katahimikang dala ng bawat estudyanteng nakatayo sa entablado. Walang nakakakita sa mga gabing halos hindi na makilala ang sarili dahil sa sobrang pagod, o sa mga umagang pilit na bumabangon kahit matagal nang gustong huminto ang isip at damdamin.
May mga laban na hindi nasusukat ng grado. May mga pagod na hindi makikita sa attendance sheet o transcript of records. Ito ang mga gabing walang tulog dahil sa mga gawaing tila walang katapusan. Mga araw na pilit na pumapasok sa silid-aralan kahit unti-unti nang nauubos ang sarili sa paulit-ulit na siklo ng pagpapatuloy. Sa gitna ng lahat, tahimik na nabubuo ang isang pagod na hindi basta pahinga ang lunas—isang pagod na dahan-dahang kumakain sa dating sigla ng isang estudyante.
At sa mga sandaling iyon, dumarating ang pinakamabigat at pinakanakakatakot na kalaban: ang sariling isip.
“Hanggang kailan ko kakayaning magpanggap na okay lang ako?”
“May patutunguhan pa ba ang lahat ng pagod na ito?”
“Kaya ko pa ba?”
Mga tanong na paulit-ulit na bumabalik tuwing madaling-araw habang nakatitig sa mga papel o nakaharap sa laptop, katabi ang mga gawaing hindi matapos-tapos. May mga pagkakataong tila kulang ang dalawampu’t apat na oras sa isang araw. Habang patuloy na nadaragdagan ang mga responsibilidad, unti-unti ring nauubos ang lakas at siglang minsang naging sandigan. Dumarating ang mga gabing kahit nakapikit ang mga mata, patuloy pa rin na gising ang isip.
Ngunit sa kabila ng lahat, may kung anong marahang nagtutulak upang magpatuloy. Minsan, sapat na ang simpleng pangungumusta ng isang kaibigan, ang tahimik na paniniwala ng isang guro, o ang pagod ngunit buong-pusong suporta ng pamilya. Sa maliliit na bagay na ito, unti-unting nabubuo muli ang lakas na matagal nang nawawala. Hindi man buo, hindi man sigurado, patuloy pa ring lumalakad.
Sa huli, ang sablay ay hindi lamang simbolo ng pagtatapos. Isa rin itong paalala na ang paglalakbay ng isang estudyante ay hindi kailanman naging tuwid. May mga pagdapa, pagod, pagkabigo, at pag-aalinlangan sa bawat hakbang. Marahil, hindi naman talaga sukatan ng tagumpay ang pagiging perpekto; dahil ang tunay na pagwawagi ay ang kakayahang magpatuloy kahit ilang beses nang napagod.
At habang nakapatong ang sablay sa balikat ng bawat nagtapos, malinaw ang mga katotohanang iniukit ng bawat hakbang:
Hindi naging madali ang lahat.
Hindi naging perpekto ang paglalakbay.
Ngunit sa kabila ng lahat ng naging sablay,
Nakarating pa rin—at isinuot ang sablay nang may buong ngiti at pusong lumaban hanggang dulo.
Iginuhit ni Mary Cathyrine Estoque
