Hindi makatarungan, paurong at kulang sa konsiderasyon—ganito mailalarawan ng mga mag-aaral ang unang linggo ng pagbubukas ng panibagong akademikong taon. Umani ng samu’t saring batikos mula sa mga mag-aaral ang mas humigpit na mga polisiya ng pamantasan kasabay ng panibagong administrasyon ng Center for Student Formation and Discipline (CSFD) sa University of Makati (UMak) patungkol sa pagbibigay ng tiket sa mga mag-aaral na mayroong kulay ang mga buhok at iba pang isyu na umusbong ukol sa malaya at masining na pagpapahayag sa loob ng unibersidad, malabong sistema ng paninita, kaso ng favoritism at stereotype, at maging pagpoprotesta.

Salamin ang bawat polisiya sa uri ng pamamahala at mga prinsipyong isinusulong ng institusyon. Ngunit kapag ang mga patakaran ay higit na nagdudulot ng takot kaysa pag-unawa, hindi maiiwasang itanong ng komunidad kung ang mga ito ay tunay na tumutugon sa layunin nitong pagsilbihan. Bagama’t nakasaad sa Hair Code ng Student Handbook Article VI, Section 3, ang ilang alituntunin hinggil sa kulay ng buhok, hindi maikakaila na maraming mag-aaral ang kumwestyon sa paraan ng pagpapatupad nito.

Sa kabila nito ay may ilang indibidwal na ipinagtatanggol ang polisiya ng pamantasan—isa na rito ang bagong direktor ng CFSD. Kung iisipin, hindi maikakaila na nararapat bigyang pansin, respetuhin, at sundin ang mga alituntunin ng unibersidad, sapagkat ang mga naturang batas ay inilimbag upang makamit ang kaayusan sa institusyon. Hindi ikamamatay ng mga mag-aaral ang muling pagkulay ng kanilang buhok upang umayon sa itinakdang pamantayan ng unibersidad. Ngunit ang tunay na nakapipinsala ay ang mahigpit at sapilitang pagpapatupad ng polisiyang ito, lalo na kung may mga probisyong nakasaad sa Student Handbook na tila isinasantabi. Sa halip na magsilbing gabay, nagiging instrumento ito ng paglimita sa karapatan ng mga estudyante na malayang ipahayag ang kanilang sarili.
“Gusto ko na lang pumasok nang normal.” Ito marahil ang pinakasimpleng paglalarawan ng damdamin ng ilang mag-aaral sa gitna ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga polisiya ng unibersidad.
Ganito inilarawan ng isang second-year Bachelor of Multimedia Arts (BMMA) student mula sa Institute of Arts and Design (IAD) ang kaniyang karanasan sa aming panayam. Aniya, sa bawat pagpasok sa unibersidad, mas iniisip niya kung muli ba siyang haharangin dahil sa kaniyang pananamit. Nakalulungkot na sa isang kolehiyong humuhubog ng mga artista at malikhaing isipan, ang unang sumasalubong sa ilang mag-aaral ay hindi ang pagkakataong matuto, kundi ang pangambang muli silang masisita.
Hindi natatangi na isa lamang ang kaniyang karanasan sa maraming tinig na nagsimulang magtanong kung ano nga ba ang direksyong tinatahak ng UMak sa ilalim ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga polisiya.
Hindi nagkukulang sa boses ang mga Heron. Ang tanong ay kung pinipili bang pakinggan ng mga nasa pamunuan ang mga tinig na matagal nang humihingi ng pag-unawa. Walang kukuwestiyunin ang mga estudyante kung ang mga polisiya ay may malinaw na layunin, makatarungan ang batayan, at pantay ang pagpapatupad. Ang kinukuwestiyon nila ay ang mga patakarang nagbubunga ng pagdududa, nagpapalalim ng pagkakahati, at tila higit na nakabatay sa stereotype kaysa sa kongkretong ebidensya. Mas nakababahala pa rito ang mga paliwanag na iniulat ng ilang mag-aaral hinggil sa hair color policy. Ayon sa kanila, ipinaliwanag umano ito bilang paraan upang maiwasang magmukhang “mayaman” ang mga may kulay ang buhok, maiwasan ang “inggitan,” at mapigilan ang posibleng favoritism ng ilang guro. Kung ito nga ang batayan, mas mabigat ang problemang inilalantad nito kaysa sa mismong kulay ng buhok. Sapagkat kailanman ay hindi naging sukatan ng estado sa buhay, pag-uugali, o kakayahan ng isang tao ang pula, berde, asul, o kahel na hibla ng kaniyang buhok.

Hindi lamang ang hair color policy ang naging sentro ng usapin. Isa pang kontrobersiyang umani ng batikos ay ang pansamantalang pagtatapal sa all-gender restroom signage. Kasunod nito, naglabas ng pahayag ang CSFD upang linawin na ang hakbang na ito ay hindi bahagi ng bagong polisiya kundi bunga ng isang opisyal na aktibidad na isinagawa sa loob ng unibersidad. Mahalagang kilalanin ang paglilinaw na ito. Gayunpaman, hindi nito tuluyang naibsan ang mga tanong at pagdududang nabuo sa komunidad.

Sa panahong patuloy na isinusulong ang pagkakapantay-pantay at paggalang sa dignidad ng bawat isa, nakapanghihinayang na tila kabaligtaran ang naging karanasan ng ilang mag-aaral sa loob mismo ng isang institusyong pang-edukasyon. Bilang isang pampublikog pamantasan, may kapangyarihan ang unibersidad na magtakda at magpatupad ng mga alituntunin. Ngunit kaakibat ng kapangyarihang ito ang pananagutang maging bukas sa pagsusuri, kritisismo, at makabuluhang dayalogo. Ang pagtutol sa isang polisiya ay hindi pagtutol sa disiplina; sa halip, isa itong panawagang tiyaking ang disiplina ay naipatutupad nang may katarungan, paggalang, at malasakit sa bawat mag-aaral.
Ang tungkulin ng isang pamantasan ay hindi ang humubog ng mga estudyanteng magkakapareho ang anyo, kundi ng mga mamamayang marunong gumalang sa pagkakaiba, makinig sa magkakaibang pananaw, at mag-isip nang kritikal. Sa pag-usad ng panahon at pagbabago ng henerasyon, nararapat ding magkaroon ng espasyo upang muling suriin hindi lamang ang pagpapatupad ng mga umiiral na alituntunin, kundi maging ang Student Handbook na nagsisilbing batayan ng mga ito. Ang mga patakaran ay hindi dapat manatiling nakapirmi kung hindi na ito tumutugon sa mga pagbabagong kailangan ng komunidad. Ang pagrepaso sa mga ito ay hindi pagtalikod sa disiplina, kundi pagtiyak na nananatili itong makatarungan, makabuluhan, at may paggalang sa dignidad ng bawat mag-aaral.
Sa huli, ang kulay ng buhok ay maaaring kumupas sa paglipas ng panahon. Ngunit ang mga polisiyang humuhusga batay sa panlabas na anyo at pagkakakilanlan ay maaaring mag-iwan ng mas malalim at mas pangmatagalang marka sa tiwala ng mga estudyante sa institusyong dapat sana’y unang kumikilala sa kanilang dignidad.
Iginuhit ni Marineth San Pedro
