Pakitang-Gilas sa Mundo, Pagtitiis ng Pilipino

Sa tuwing nagiging entablado ang Pilipinas para sa mga pagtitipong pandaigdig, tila nagkakaroon ito ng pambihirang kakayahang magmukhang handa. Nalilinis ang mga kalsada, napapaganda ang mga pasilidad, naitatayo ang mga bagong estruktura, at napapabilis ang mga gawaing ilang buwan o taon nang hinihintay. Sa pangunguna ng ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong Nobyembre 2026, muling ipinakita ng bansa ang kakayahan nitong maghanda para sa mga panauhing mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ngunit sa likod ng mga pader na pininturahan, kalsadang nilinis, at mga lugar na biglang naging presentable, may isang tanong na hindi dapat matabunan ng ingay ng paghahanda: Kung kaya itong gawin para sa mga dayuhan, bakit hindi magawa para sa mga Pilipino?

Sa pagnanais na ipakita ang pinakamagandang mukha ng bansa, tila may mga bahaging mas piniling itago kaysa ayusin. Sa ilang lugar sa Pasay at Parañaque, naglagay ng mga harang at malalaking puting tablones upang matakpan ang mga maralitang pamayanan at maruruming daluyan ng tubig na makikita sa mga pangunahing ruta ng mga delegado. Sa halip na tugunan ang mga suliraning matagal nang kinahaharap ng mga komunidad, pansamantalang hinadlangan ang mga ito na makita ng mga bisita. Maaaring malinis ang tanawin mula sa kabilang panig ng pader, ngunit hindi nangangahulugang nalinis na rin ang problemang nasa likod nito.

Lalong nagiging kapansin-pansin ang kontradiksiyong ito sa mismong pagtatanghal ng kulturang Pilipino sa loob ng International Media Center sa World Trade Center. Tampok sa seksiyong Pinoy Kalye ang isang replika ng sari-sari store, kumpleto sa mga lokal na produkto, kakanin, at matatamis na pagkaing bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Kasama rin sa Philippine Pavilion ang One Town, One Product (OTOP) exhibit na nagtatampok ng 54 na lokal na negosyo mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ngunit habang ipinagmamalaki sa loob ng venue ang kulturang kinakatawan ng maliliit na tindahan at negosyong Pilipino, ang ilang tunay na street vendor sa mga lugar na malapit sa mga pangunahing venue ay inutusang pansamantalang ihinto o ilipat ang kanilang operasyon dahil sa mga paghahanda para sa summit. Ang mga taong aktuwal na bumubuhay sa ganitong uri ng kabuhayan ay nawalan ng pagkakataong maghanapbuhay habang ang isang replika ng kanilang pang-araw-araw na realidad ay ipinakikita sa mga dayuhan.

Sa loob, ipinagdiriwang ang imahen ng karaniwang pamumuhay ng Pilipino; sa labas, ang mga taong mismong kumakatawan dito ay kailangang umurong.

Hindi ba’t isang uri ng pakitang-taong pagtanggap ang pagpapakita ng kulturang Pilipino habang isinasantabi ang mga Pilipinong bumubuhay rito? Nagiging dekorasyon lamang ang kulturang ipinagmamalaki kung ginagamit ito upang pagandahin ang presentasyon sa mga dayuhan, ngunit hindi naman lubos na kinikilala ang mga taong umaasa rito para mabuhay. Sa ganitong paraan, nagiging mapagpanggapang ipinapakita ng bansa. Isang Pilipinas na makulay, masigla, at maayos sa paningin ng mga bisita, ngunit may mga mamamayang kailangang mawala sa larawan upang mabuo ang ganitong imahen.

Hindi rin maikakaila ang laki ng pondong inilaan para sa naturang pagtitipon. Ayon sa Malacañang, umabot sa ₱22.9 bilyon ang kabuuang pondong inilaan para sa ASEAN chairship at hosting ng Pilipinas. Gayunman, nilinaw ng Palasyo na hindi nangangahulugang nagastos na ang buong halaga. Kabilang sa mga paghahanda ang pagsasaayos ng Philippine International Convention Center, Coconut Palace, at World Trade Center Metro Manila, bukod pa sa malawakang seguridad na kinabibilangan ng mahigit 22,000 pulis.

Samantala, hindi rin tuluyang binale-wala ng pamahalaan ang epekto ng clearing operations sa mga vendor. Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng ₱10,000 na tulong pinansyal at family food packs sa mga apektadong vendor sa Pasay at Parañaque sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Bagama’t mahalaga ang ganitong tulong, hindi nito nabubura ang katotohanang pansamantalang naputol ang pinagkukunan ng kanilang pang-araw-araw na kita. Ang ayuda ay maaaring maging pansamantalang sandigan, ngunit hindi ito kapalit ng katiyakang makapaghahanapbuhay sila nang hindi kinakailangang magsakripisyo sa tuwing may malawakang paghahanda ang pamahalaan.

Hindi naman masamang pagandahin ang kapaligiran. Hindi rin dapat ipagkait sa mga dayuhang bisita ang isang maayos at ligtas na lugar. Makatwiran ang pangangailangang tiyakin ang seguridad ng mga pinuno at delegado ng mga bansang kasapi ng ASEAN. Ngunit hindi dapat maging katwiran ang seguridad upang balewalain ang kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan. Hindi dapat kailangang mamili sa pagitan ng maayos na pagdaos at makataong pagtrato sa mga taong maaapektuhan nito.

Dito lalong lumilitaw ang hindi pantay na pagtrato. Kapag may international summit, tila kayang-kayang maglaan ng oras, pondo, tauhan, at kagamitan upang pabilisin ang mga proyektong matagal nang hinihintay. Kayang linisin ang mga kalsada, ayusin ang mga pasilidad, at magpatupad ng malawakang operasyon sa loob lamang ng ilang araw. Ngunit kapag ordinaryong Pilipino na ang nangangailangan, madalas ay ibang kuwento—kulang ang badyet, mabagal ang proseso, at tila laging may dahilan kung bakit hindi agad maibigay ang nararapat.

Kung kaya palang kumilos nang mabilis, bakit kailangang may espesyal na okasyon para gawin ito?

Hindi rin dapat ipagkamali ang kritisismo sa kawalan ng suporta sa bansa. Nais din nating maging matagumpay ang pagdaos ng Pilipinas. Nais nating makita ang kakayahan ng ating mga institusyon na magsagawa ng isang makabuluhan at maayos na pagtitipon. Ngunit ang tunay na pagmamahal sa bayan ay hindi nangangahulugang kailangan nating ipikit ang mga mata sa mga pagkukulang nito. Sa halip, dapat itong maging dahilan upang mas igiit ang pananagutan ng mga namumuno.

Ang ASEAN Summit ay maaaring maging pagkakataon upang ipakita sa mundo ang kakayahan ng Pilipinas. Ngunit hindi dapat matapos ang lahat sa pag-alis ng mga delegado at pagsasara ng mga pagpupulong. Ang mga kalsadang nilinis ay dapat manatiling malinis. Ang mga pasilidad na inayos ay dapat patuloy na mapakinabangan. Ang mga negosyong pansamantalang nagsara ay dapat mabigyan ng pagkakataong makabawi. At ang mga pamayanang pansamantalang nawala sa paningin ng publiko ay hindi dapat muling kalimutan kapag wala na ang mga kamera at dayuhang bisita.

Sapagkat ang tunay na mukha ng Pilipinas ay hindi lamang matatagpuan sa mga entabladong inihanda para sa mga pinuno ng ibang bansa, sa mga replika ng sari-sari store, o sa mga pader na nagtatago sa mga suliranin ng lipunan. Matatagpuan din ito sa mga manggagawa, maliliit na negosyante, at pamilyang araw-araw na nagsisikap mabuhay sa kabila ng mga kakulangang matagal nang ipinagkakait sa kanila.

Hindi dapat kailanganin ang pagdating ng mga dayuhan upang mapatunayan ng pamahalaan na kaya nitong paglingkuran ang mga Pilipino. Hindi dapat maging pansamantalang palabas ang kaayusan, at lalong hindi dapat maging bahagi ng dekorasyon ang kulturang hindi naman kayang pangalagaan ng sariling pamahalaan.

Iginuhit ni Marubdob