Pagbati sa ngalan ng malayang pamamahayag!
Mariing kinokondena ng University of Makati Student Multimedia Organization (USMO) ang kamakailang panghaharas, ilegal na pagpigil, at pagtatangkang pag-aresto ng mga pulis sa mga manggagawa ng midya, lalo na sa mga student journalists na gumaganap lamang sa kanilang tungkuling mag-ulat.
Batay sa mga ulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at ng pambansang midya gaya ng Philippine Daily Inquirer at Daily Tribune, umabot sa mahigit 22 mamamahayag at kawani ng midya ang nakaranas ng pandarahas at pananakot mula sa kapulisan sa kasagsagan ng mga kilos-protesta laban sa Pax Silica at sa pagbisita ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos para sa Ika-49 na ASEAN Summit nitong Nobyembre 15, 2026. Kabilang sa mga naitalang insidente ang pagdakip sa 10 patnugot at mamamahayag ng UPLB Perspective (kasama ang dati nilang punong patnugot na si Aira Domingo) sa marahas na dispersal ng Lakbayan ng Timog Katagalugan sa Sucat People’s Park, Lungsod Muntinlupa, gayundin ang tangkang pag-aresto, berbal na pananakot, at pagkumpiska sa kagamitan ng mga mamamahayag ng Tinig ng Plaridel sa Maynila.
Ang panggigipit sa mga mamamahayag habang tinutupad ang kanilang sinumpaang tungkulin ay malinaw na paglabag sa Artikulo III, Seksiyon 4 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas na gumagarantiya sa kalayaan sa pamamahayag, at tahasang pagyurak sa diwa ng Batas Republika Blg. 7079 (Campus Journalism Act of 1991). Hindi kailanman krimen ang mag-ulat, magdokumento, at magsiwalat ng katotohanan sa publiko.
Kaisa ang USMO sa panawagang palayain ang lahat ng hinuling mamamahayag at raliyista, itigil ang karahasan ng estado, at papanagutin ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na lumabag sa karapatang pantao at kalayaan sa pamamahayag.
Naninindigan kami na ang malayang pamamahayag ang tibok at puso ng demokrasya. Hindi kailanman magliliyab ang baga ng pagbabago kung uupusin ang mga tinig ng katotohanan na nagsisilbing gatong dito.
#DEFENDPRESSFREEDOM
