Nauwi sa tensyon at pagkakaaresto ang mapayapang “Black Friday Protest” ng mga mag-aaral mula sa University of Makati (UMak) noong tanghali ng Nobyembre 13, matapos silang puwersahang buwagin at hulihin ng mga pulis sa mismong tapat ng unibersidad.
Pawang mga mag-aaral ng Bachelor of Arts in Political Science ang mga dinakip, kung saan dalawa ang sophomore at isang freshman.
Inilunsad ng isang progresibong organisasyon ang pagkilos bilang pakikiisa sa malawakang Black Friday walkout na isinagawa sa iba’t ibang pamantasan, kabilang ang University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP). Sa pamamagitan ng isang maikling programa, ipinarinig ng grupo ang paninindigan ng kabataan at mariing pagkondena sa isyu ng “Pax Silica.”

Ayon sa mga nakasaksi, nakatakda sanang magsimula ang programa bandang 11:15 ng umaga, ngunit 11:40 pa lamang, nagsimula nang magsidatingan ang mga pulis sa tapat ng unibersidad, bago pa man ang mismong pagtitipon.
Bandang 12:02 ng tanghali nang magsimula ang grupo, at makalipas lamang ang labintatlong minuto, bandang 12:15, nagsimula ang kumosyon at panghuhuli.
Iginiit ng mga pulis na walang permit ang grupo at nagdudulot ito ng public disturbance. Sinubukan pang makipag-usap nang maayos ng mga estudyante, ngunit ayon sa mga saksi, sinigawan lamang sila ng mga awtoridad, binantaang kakasuhan, at bigla na lamang pinagdadampot.
Kumakalat rin ang video mula sa pinangyarihan kung saan makikitang naging marahas ang pag-aresto. Nagtamo ng mga sugat at galos ang mga mag-aaral mula sa puwersahang paghila, pananapok, pananakal, at pananakit ng mga awtoridad. Makikita rin sa isang larawan ang mga galos at pasa na natamo ng isa sa mga naarestong estudyante dulot ng operasyon.


Tinangka ring habulin ng pulis maging ang mga miyembro ng student media na nagko-cover sa kaganapan ngunit binitawan din sila nang itaas ng mamamahayag ang kanyang kamera.
Inaasikaso ng College of Governance and Public Policy Student Council (CGPP-SC) at ng CGPP Dean ang sitwasyon. Nagpadala ng paralegal mula sa organisasyong KARAPATAN NCR, kasama ang mga magulang ng mga estudyante, sa himpilan ng pulisya sa Taguig.
Sa pinakahuling ulat, inilipat na sa headquarters ng pulisya sa Taguig ang tatlong mag-aaral. Ayon sa PNP Taguig, sinampahan ang tatlong estudyante ng mga kasong Illegal Assembly, Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of Such Person, at Alarms and Scandal. Gayunman, magpapatuloy pa rin ang proseso kaugnay ng kasong kinakaharap sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), kabilang ang pagdalo sa mga kaukulang pagdinig. [1]
Iginiit ng mga grupo ng karapatang pantao na iligal ang naturang pag-aresto dahil walang ipinakitang warrant of arrest ang mga pulis at hindi umano ipinaalam sa mga estudyante ang kanilang mga karapatan alinsunod sa Miranda Rights.
Naglabas naman ng mga pahayag ng pagkondena sa pag-aresto ang ilan sa mga organisasyon sa unibersidad, kabilang dito ang UMak CGPP-SC, at ang UMak University Student Council (USC). Naglabas naman ng isang resolution ang UMak Student Congress, kung saan binigyang-diin na may kalayaan ang mga estudyante na magsalita . Kasabay nito, naglabas rin ng pahayag ang ilan sa mga unibersidad, tulad na lamang ng UP Manila, at mga human rights groups, katulad ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates. Ipinahayag nila ang kanilang suporta sa malayang pamamahayag at mariing tinutulan ang marahas na pag-aresto ng kapulisan. Nanawagan din ang mga nasabing organisasyon ng mga donasyon at tulong-pinansyal para sa mga naarestong mag-aaral habang nasa kustodiya sila ng mga awtoridad. [2][3][4][5][6]



Sa kasalukuyan, nananatiling nakapiit ang tatlong estudyante, habang naaantala ang pag-usad ng kanilang kaso bunsod ng kasalukuyang 49th ASEAN Summit. Bagama’t natutugunan ang kanilang pangangailangan sa pagkain at gamot, nakararanas na ng pagkakasakit ang ilan sa kanila dahil sa siksikan at hindi maayos na kondisyon ng selda.
Patuloy na inaantabayanan ng UMak Student Multimedia Organization (USMO) ang takbo ng kaso at nagpapatuloy sa pagkalap ng mga karagdagang impormasyon mula sa mga pamilya at kaukulang tanggapan.
Pitik ni Santino
Inilarawan ni Alab Silab
