Kamakailan lamang, umusbong ang mainit na usapin tungkol sa pinaigting na bag checking sa mga gate ng University of Makati (UMak) matapos ibahagi ng ilang estudyante ang kanilang mga karanasan. Sa ilang pagkakataon, tila lumalampas ang inspeksyon sa karaniwang visual check at umaabot sa pagbubukas at paghawak sa mga personal na gamit nang walang malinaw na pahintulot mula sa mga may-ari.
Ngunit saan nga ba nagtatapos ang pagpapanatili ng seguridad at saan nagsisimula ang hindi na makatarungang pangingialam sa privacy ng estudyante?
Araw-araw, bahagi na ng buhay ng mga estudyante ang pagpila sa gate, pagbukas ng bag, at pagpapakita nito sa mga guwardiya bago makapasok sa UMak. Matagal nang nakasanayan ang prosesong ito bilang pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa loob ng unibersidad. Kadalasan, kusang binubuksan ng mga mag-aaral ang kanilang mga bag upang mapabilis ang daloy ng pila. Gayunpaman, sa isang insidenteng ibinahagi ng isang estudyante, laking gulat niya nang biglang inilapag ng guwardiya ang kaniyang bag sa mesa at agad na kinuha at binuklat ang kaniyang wallet at pouch nang walang pasintabi.

“Wala po akong problema sa bag checking ng guards kasi it’s their job but I don’t really like is yung pagchecheck nila ng personal na gamit—wallets and makeup pouches—without our consent.”
Ayon sa estudyante, hindi niya agad naproseso ang nangyari dahil sa kaniyang pagkagulat. Batay sa nakasanayan, ang mga estudyante mismo ang nagbubukas ng kanilang mga bag upang ipakita ang laman ng mga ito, nang hindi na kinakailangang isa-isang buksan ang mga pouch sa loob. Para sa kaniya, lumampas ang inspeksyon sa karaniwang pagsusuri at umabot na rin sa pagbubukas ng kaniyang personal na gamit.
Hindi lamang iisang karanasan ang nagbunsod sa ganitong usapin. May iba pang mga mag-aaral na nagpahayag ng kanilang saloobin hinggil sa ganitong uri ng inspeksyon sa Facebook Group Page na GENUINE Herons Update.

“Gets ko naman na security ganoon, pero seryoso ba ‘yung pati makeup palette ko bubuksan?”
Mahalaga ang bag checking para sa seguridad ng campus, ngunit may hangganan din ang ganitong uri ng pagsusuri. Maaring naglalaman ang mga wallet at iba pang personal pouch ng pera, identification cards, legal documents, at iba pang sensitibong impormasyon. Dahil dito, hindi dapat basta-basta buksan at galawin ang mga ito nang walang malinaw na protocol o makatuwirang dahilan.
Hindi nangangahulugang tutol ang mga estudyante sa proseso ng inspeksyon ng mga bag. Bagama’t kinikilala ng komunidad ang mahalagang gampanin ng mga guwardiya sa pagpapanatili ng kaligtasan sa loob ng campus, mahalaga ring matiyak na nananatili sa loob ng makatuwiran, malinaw, at nararapat na mga pamantayan ang mga isinasagawang hakbang.
Hindi rin maaaring balewalain ang dahilan sa likod ng paghihigpit ng seguridad sa campus. Noong Agosto 24, naglabas ang unibersidad ng public advisory hinggil sa heightened campus security measures. Kabilang sa mga ito ang mas mahigpit na inspeksyon sa mga gate ng campus, pagsusuot ng UMak ID, at paglalagay ng UMak vehicle sticker sa mga sasakyang papasok sa campus. Isinagawa ang mga hakbang na ito bilang tugon sa mga napapanahong usapin sa kaligtasan ng mga paaralan, kabilang ang mga naiulat na insidente ng school shooting sa iba’t ibang bahagi ng bansa at iba pang lokal na banta sa seguridad.

Mauunawaan ang layunin ng mga hakbang na ito, lalo na sa gitna ng mga banta sa kaligtasan na kinakaharap ng iba’t ibang paaralan. Gayunpaman, nagdulot din ang pinaigting na seguridad ng kalituhan hinggil sa mga kagamitang hindi dapat dalhin. Sa mga nakalipas na buwan, umani rin ng pagtataka ang pagpapataw ng violation ticket sa ilang estudyante dahil sa pagdadala ng mga kagamitang gaya ng gunting at cutter—mga bagay na karaniwang bahagi ng kanilang mga gamit sa klase o school supplies.

Sa kabila ng makatuwirang layuning maiwasan ang pagdadala ng mga matatalim na bagay, nagiging problema ang pagpataw ng mga violation ticket kung walang malinaw na patakaran tungkol dito.
Layunin ng bag checking na pangalagaan ang kapakanan ng lahat. Dahil dito, nararapat na magbigay ito ng kapanatagan sa mga estudyante, sa halip na maging sanhi ng pangamba o kalituhan. Upang maiwasan ang ganitong mga alinlangan, mahalagang maglatag ang pamunuan ng malinaw at tiyak na mga patakaran ukol sa mga ipinagbabawal na gamit at sa eksaktong saklaw ng mga inspeksyon.
Habang wala pang malinaw na alituntunin, mahalagang maging bukas sa pakikipag-ugnayan ang administrasyon at security personnel sa mga estudyante. Sa pamamagitan nito, mapakikinggan ang kanilang mga saloobin at matitiyak na nauunawaan ng lahat ang mga patakaran, pati ang wastong paraan ng pagpapatupad nito.
Sa huli, hindi kailanman dapat magkasalungat ang seguridad at paggalang sa dignidad ng mag-aaral. Ang tunay na ligtas na pamantasan, hindi lamang protektado mula sa labas na banta, kundi isa ring institusyong marunong gumalang sa karapatan ng mga taong bumubuo rito.
Inilarawan ni Marineth San Pedro
