“Mr. Witness, tama ba na ang ating Vice President ay may ganito kalaking… baril?”
Isa lamang ito sa mga tanong na ibinato ni Atty. Ysabel “Bel” Zamora sa testigo ng prosekusyon. Ngunit ito ang pinakatumatak at pinag-usapan sa ika-tatlumpung araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Setyembre 28, 2026. Ang dahilan, nagmarka ang katanungan hindi dahil sa naging esensya nito sa loob ng hukuman ng Senado, kundi sa samu’t saring reaksyon at interpretasyon ng publiko.
Noong Setyembre 28, tinutukan sa paglilitis ang ikalawang artikulo ng impeachment tungkol sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente. Pinangunahan ni Zamora mula sa prosekusyon ang pagsusuri sa mga baril ng mag-asawang Sara Duterte at Manases Carpio at kung naideklara ang mga ito sa inihaing Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.
Kaakibat nito ay ang pag-imbita kay Police Major Joe Rickson Sangalang bilang testigo ng prosekusyon. Si Sangalang ang kasalukuyang Chief of the Records Division ng Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) na nagharap ng listahan ng mga baril na pagmamay-ari ng mag-asawang Duterte at Carpio. Sa pagpapatuloy ng paglilitis, tinanong din ni Zamora ang testigo tungkol sa dami at tinatayang halaga sa merkado ng mga baril ng mag-asawa. Subalit sa kabila ng diskusyon, mga testimonyang inilahad, at ebidensyang inilatag, bakit tila mas naging sentro ng kritisismo ang paraan ng pagtatanong ng prosekusyon kaysa sa mga sagot o argumento? Bakit ang sana’y mahalagang usapin ng kaso ay naisantabi upang ituon ang batikos sa partikular na tao?
Pagkaraan ng paglilitis, naging sentro si Zamora ng mga batikos sa social media hinggil sa kanyang boses at paraan ng pagtatanong sa gitna ng impeachment trial. Sa press briefing noong Setyembre 29, tinawag ni Zamora na “sexist” at “misogynistic” ang mga natanggap na negatibong komento, kung saan karaniwan ang salitang “malandi.” Ipinahayag din ni Zamora ang pagkadismaya na marami pa ring Pilipino ang hanggang ngayon ay may kaisipang mapang-maliit sa kababaihan.

“It’s so unfortunate that a lot of Filipinos still think that way. They still make misogynistic remarks, especially directed towards women, girls. who apparently are smart and can speak well, and can be a lawyer in an impeachment court… Siguro, they can’t handle sass, they can’t handle style. [Nakalulungkot na marami pa ring mga Pilipino ang nag-iisip ng ganoon. Naglalabas pa rin sila ng mga pahayag na mapanirang-puri sa kababaihan—na may taglay na matatalino, mahusay magsalita, at kayang gumanap bilang abogado sa isang impeachment court. Marahil, hindi nila kayang tanggapin ang pagiging matapang at matalas ang dila, at hindi nila kayang tanggapin ang pagkakaroon ng sariling estilo…]“ Ito ang naging sentimyento ni Zamora nang tanungin kung paano tinutugunan ang mga natanggap na batikos. Sa kabila ng pagpapahayag ng kawalan ng interes ni Zamora sa mga negatibong komento, malinaw na ipinapakita ng reaksyon ng publiko ang umiiral na pamantayan ng lipunan kung paano inaasahang kumilos ang isang babae at kung paano tinitignan bilang kabawasan sa kakayahan kung ikaw ay may naiibang kilos sa nakasanayan.
Taong 2019 pa naipasa ang Republic Act No. 11313 na mas kilala bilang Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law. Nakasaad sa ilalim ng batas ang paggalang ng estado sa dignidad ng isang indibidwal ng walang pagkiling sa kasarian. Kinikilala ng batas ang pantay na karapatan ng kalalakihan at kababaihan sa seguridad at kaligtasan, sa pribado man o pampublikong espasyo, gayundin sa mundo ng online. Saklaw din ng batas ang gender based sexual harassment na nagaganap sa mga espasyong ito. Sa mundo ng online, kabilang dito ang mga pahayag o komentong sekswal, misogynistic at sexist na inilalathala upang manghamak batay sa kasarian. Subalit sa kabila ng umiiral na polisiya at karampatang parusa ng Safe Spaces Act, tila ang espasyong ginagalawan ni Zamora ay dapat suriin kung tunay nga ba nitong itinataguyod ang salitang kaligtasan, sa gitna ng batikos online.
Bagaman walang nakatatakas sa mapagmatyag na mata ng publiko, mahalagang usisain kung saan nga ba nakaukol ang kritisismong ibinabato. Hindi maling punahin ang isang pampublikong opisyal hangga’t ito ay may obhetibong batayan at naaayon sa propesyonal na pamantayan. Ngunit kung ang komento ay may layuning hamakin ang isang tao batay sa kasarian at tingnan ang naiibang estilo bilang kabawasan sa kakayahan, ito ay hangganan ng isang matalino at makatarungang kritisismo. Sa usapin ng impeachment, ang pamantayan ay mahalagang ituon sa sustansya at merito ng mga legal na argumento, hindi sa katangiang pisikal o boses ng isang babae sa kanyang trabaho.
Hindi rin nakatutulong na manggaling mismo sa bibig ng isang senador, tulad ni Raffy Tulfo, ang salitang “nagpapa-cute lang.” Sa impeachment trial noong Oktubre 1, nagpahayag si Senator-Judge Raffy Tulfo sa kanyang manifestation ng sentimyento ukol sa mga testigo at abogado ng prosekusyon.
“Kung kukuha kayo ng witness, make sure na talagang yung witness na ‘yon ay mayroong masasabing bagay na makatutulong sa ginagawang imbestigasyon sa impeachment. Mayroon pa nga kayong kinuha na pinagtatawanan tuloy, nagpapa-cute lang habang may kinakausap na witness na pulis. So, ingat kayo sa pagsasalang ng mga witness at ingat kayo sa pagsasalang ng mga abogado niyo diyan.” Ito ang pahayag ni Senator-Judge Raffy Tulfo sa naturang manifestation.
Hindi man direktang pinangalanan ang miyembro ng prosekusyong pinatutungkulan, mahalagang sa mga mambabatas magsimula ang pagiging maingat sa pananalita. Ang paglalarawan sa kilos ng isang miyembro ng prosekusyon bilang “nagpapa-cute” ay maaaring maglihis sa atensyon ng publiko mula sa kakayahan at naging ambag nito sa paglilitis, tungo sa paraan ng pagpresinta nito ng sarili. Kung ilalapat, ang ganitong pananaw na nag-uugnay sa pagpapakita ng kumpiyansa ng isang babae sa pagkuha lamang ng atensyon, ay maaaring magpatibay sa kaisipang nanghahamak sa kababaihang may estilong naiiba sa nakasanayang pamantayan.
Sa kabuuan, mahalagang maging kritikal at mapanuri ang bawat Pilipino sa kasong tinatalakay at hindi sa pisikal na katangian ng mga karakter sa loob ng Senado. Sa usapin ng pananagutan, ang isang babaeng nasa katungkulan tulad ni Zamora ay may kalayaang magsilbi nang hindi itinatali ang kanyang kakayahan o kredibilidad sa kaisipang nagdidikta kung paano siya dapat kumilos o magsalita. Ang kababaihan ay walang kailangang patunayan upang maging karapat-dapat sa salitang respeto at pagtanggap. Ang mga katagang “malandi,” “pa-cute,” at iba pang mapang-insultong pahayag ang dapat kwestiyunin kung makatuwiran ba ang mga itong magkaroon ng puwang sa lipunang dapat ay may paggalang sa kababaihan.
Sapagkat kung may gampanin man ang isang babae, ito ay magpakababae sa sarili niyang pamamaraan—hindi ayon sa idinidikta ng sinuman.
Inilarawan ni Yna Yesha Deluta
