Ikaw na Muna

Tuwing may handaan sa bahay, si Mama ang unang naglalabas ng mga silya. Nariyan ang mga puting monoblock na matagal nang naninilaw sa init at ulan. May ilan ding silyang kahoy na maalog na ang paa ngunit hindi pa magawang itapon. Sabi kasi, hangga’t maaari pang maupuan, may silbi pa rin ang mga ito.

Ngunit hindi rin nagtatagal, napupuno rin ang bawat upuan ng mga tiyahing abala sa tsismisan, mga pinsang nagpapayabangan sa kani-kanilang kuwento, at mga batang nag-aagawan ng puwesto kung saan malapit ang spaghetti.

Kapag may handaan, tila lumalaki ang espasyo ng tahanan. Dumarami ang sapatos sa pinto, sumisikip ang sala sa halakhakan, at naghahalo sa hangin ang amoy ng bagong saing na kanin, pritong lumpia, at matamis na buko salad.

“Ikaw na muna.”

Lumingon ako.

“Ako po?”

“Bumili ka muna ng yelo sa labas para sa mga bisita.”

Dali-dali ko namang iniwan ang aking plato at lumabas ng aming bahay. Pagbalik ko, may iba nang nakaupo sa aking puwesto. Ngumiti na lamang ako at naupo sa bakanteng silya na nasa tabi ng pinto.

Hindi iyon espesyal. Wala na ngang kutson, gasgas pa ang sandalan nito. Tila lumulundo na rin at parang pasuko na sa mga bitbit na dala nito sa araw-araw.

Ngunit doon pa rin palaging inilalapag ang mga kung ano-ano; mga bag, pasalubong, payong, at minsan, damit na hinubad dahil sa init. Kapag wala nang mapaglagyan, saka lamang ito napapansin. Kapag wala nang mauupuan, saka lamang ito nagiging luklukan.

Mula noon, paulit-ulit ko nang naririnig ang parehong mga salita.
“Ikaw na muna.”
“Ano po ‘yon?”
“Ikaw na muna ang magsalin ng tubig.”
“Ikaw na muna ang maghanda ng mga plato”
“Ikaw na muna ang kumuha ng litrato.”
“Ikaw na muna ang tumayo.”

Noon, sapat na sa akin ang marinig ang pangalan ko. Pakiramdam ko kasi, kapag may naghahanap sa akin—mapa-utos man o may aasikasuhin—ibig sabihin ay kabilang na ako sa pagdiriwang.

Pakiramdam ko kasi importante ako kapag kailangan ako.

Hindi ko lang napansin na habang tumatagal, iyon na lamang ang mga pagkakataong masasabi kong naroroon ako bilang bahagi ng selebrasyon.

Isang gabi, matapos ang kaarawan ni Papa, isa-isang nagsiuwian ang mga bisita. Naiwan ang mga basong may bahid pa ng lipstick, mga platong may natuyong sarsa, at mga lobong unti-unti nang lumalaylay sa kisame.

Nakahiga na si Papa sa sofa. At mula sa silid, maririnig ang mahinang tawa ni Kuya sa telepono. Wala na sila Ate at Bunso. Sumama muna sila sa aming mga pinsang-buo. At sa labas, si Mama ang huling nagpapaalam bago tuluyang isara ang aming gate.

Habang ako, naroon pa rin, nakaupo lamang sa silyang nasa tabi ng pinto.

Tahimik na ang bahay. Nawala na ang lahat ng siglang dala nito kaninang umaga. Doon ko lamang napansin na buong magdamag pala akong hindi nakaupo sa hapag. Kahit minsan, hindi ako nagkaroon ng puwestong maaari kong balikan.

Sa bawat tawanan, ako ang nagsasalin ng tubig.
Sa bawat kuwentuhan, ako ang nakikinig.
Sa bawat yakap na matagal nang ipinagkait ng panahon, ako ang kumukuha ng litrato.

Naroon ako sa lahat ng alaala. Ngunit hindi ako naging bahagi ng alinman.

Maya-maya’y narinig kong tumawa si Papa habang may tinitingnan sa telepono.

“Ang gaganda ng kuha mo.”

Isa-isang dumaan sa screen ng kaniyang telepono ang mga litrato. Naroon si Mama habang tumatawa. Si Papa, tangan ang kutsilyong panghiwa sa cake. Si Kuya, Ate, at bunso pati na rin ang mga bisita na halos hindi na magkasya sa isang kuha. Maging ang mga lobo sa likod at ang natutunaw na kandila ay nakuhanan ko.

Matagal kong pinagmasdan ang bawat litrato. Sinubukan kong alalahanin kung nasaan ako nang kunan ang mga larawang iyon.

Madali ko namang naalala.

Ako ang nasa likod ng kamera.

Doon ko lamang naisip na hindi lang pala sa hapag ako walang puwesto. Pati sa mga alaalang binabalikan nila, wala ring upuang nakalaan para sa akin. Habang sila ang nasa larawan, ako ang nananatili sa likod nito.

Muli kong pinagmasdan ang bawat larawan. Hindi upang tingnan ang mga ngiti nila, kundi upang hanapin ang sarili ko sa mga repleksiyong inaaninag ng bintana, sa anino sa sahig, sa salaming nakasabit sa dingding—anumang bakas na magpapatunay na naroon din ako.

Wala.

Marahil ganoon ang mga taong laging nasa likod ng kamera. Kabisado nila ang bawat tagpong nakunan, ang bawat halakhakang nauna bago pinindot ang shutter, ang bawat yakapang inulit dahil may pumikit. Sila ang pinakamaraming naaalala sa isang larawan, ngunit sila rin ang pinakamadaling makalimutan kapag iyon na lamang ang natira.

Marahil matagal na akong nasanay sa ganoong puwesto. Katulad ng lumang silyang nasa tabi ng pinto—palaging naroon, ngunit bihirang maalalang naging bahagi rin ng handaan.

Kaya naman, natutuhan ko ring mapansin ang mga bagay na hindi agad nakikita ng karamihan. Kaya nga sa aking mga kaibigan, kapag may mabigat silang dinadala, alam nila agad kung saan ako hahanapin.

Ang hindi ko lang alam ay kung saan ako pupunta noong ako na ang may bitbit.

“Ikaw na muna.”

Hindi ko na maalala kung sino ang unang nagsabi nito. Ang naaalala ko lamang ay kung gaano ko ito kadalas marinig, hanggang sa dumating ang panahong hindi ko na hinintay ang kasunod nito.

Isang gabi, umilaw ang aking telepono.

“Gising ka pa?”

Sumagot ako ng “Pagod na ako”. Binura ko. Sinubukan kong isulat ang “Pwede ba kitang makausap?”. Binura ko rin. Matagal na kumikislap ang text cursor sa blangkong screen bago ko naisip na wala pala akong maisulat na hindi ko pa natutuhang itago.

Sa huli, “Oo.” lang ang naipadala ko.

Ilang araw ang lumipas. May isa na namang handaan. Isa na namang pagkakataong inilabas ni Mama ang mga silya.

Muli kong narinig ang pamilyar na tinig.

“Ikaw na muna.”

Awtomatiko sanang kikilos ang katawan ko. Ngunit bago ako tuluyang makahakbang, napansin kong wala namang ibang gumagalaw.

Lumingon ako sa hapag. Puno na naman ng tawanan. May isa na namang kukuha ng larawan. May isa na namang gabing magiging alaala.

At bigla kong naisip—ilang taon na pala akong kumukuha ng litrato sa bawat pagdiriwang, ngunit wala ni isa mang larawang nagpatunay na minsan din akong ipinagdiwang.

At sa bawat sandaling ako’y tumugon sa isang, “Ikaw na muna,” hindi na nila napansing matagal na pala akong naghihintay na marinig ang salitang,

“Ikaw naman.”

“Ikaw naman ang umupo, anak.”

 

Inilarawan ni Prince Lloyd Sebuco

USMO

The official news website of the University of Makati Student Multimedia Organization. We, the campus journalists of the University of Makati, as a duly recognized student publication, shall adhere to the principles and ethics of journalism, mission-vision, and objectives of the university and organization; to advocate autonomous campus press ideals as a genuine service and aid in the formation of trustworthy and devoted student journalists and leaders, do ordain and promulgate this Constitution and Bylaws.