Payapa at mayumi kung ilarawan ang isang huni ng ibon. Ngunit sa pagdami ng bilang ng mga sumasabay na kauri nito at tulyan nang namumuo ang kanilang tinig, tila ingay na kung ituring ito ng mga nababahala sa pag-awit. Dito maihahambing ang sinapit ng tatlong mag-aaral mula sa University of Makati (UMak) na isinantabi ang mga bahala at pangambang kanilang haharapin sa pagboses ng hustisya.
Biyernes, Nobyembre 13, 2026, nang dahasang inaresto ng Philippine National Police (PNP) Taguig ang tatlong estudyante ng UMak safs kanilang payapang Black Friday Protest kontra “Pax Silica” na ginanap sa harap mismo ng unibersidad.
Layon ng protesta na sistematikong ipahayag ang kanilang pagkondena sa inisyatibong inilunsad ng Estados Unidos na “Pax Silica”, na siyang nagbibigay pangamba sa lagay ng kalupaan, likas na yaman at mga katutubong Pilipino na binibigyang-tahanan ng lugar kapalit ng pagpapatayo ng Artificial Intelligence (AI) Data Centers dito.
Sa panahon ng pagsulat, kasalukyang nananatili sa detensyon ang tatlong mag-aaral sa Taguig City Police Station Headquarters (Taguig CPS). Ayon sa Anakbayan UMak, patuloy na nakararanas ang tatlo ng karahasan, pambabastos at “red-tagging” mula sa awtoridad sa loob ng detensyon. [1]
Nakapagtamo ng sugat sa braso at iba pang parte ng katawan ang mga estudyante mula sa mapusok na pamamaraan ng pag-aresto ng pulisya na nahagip sa mga litrato at bidyong nakunan ng mga saksi sa insidente. Sa araw ng pag-aresto, binigyan ng medikal na atensyon ang tatlo mula sa independent na organisasyon tulad ng Medical Action Group Inc., bago at habang sila ay naka-detain sa presinto kung saan nasampahan ang mga estudyante ng kasong paglabag sa Article 155 at 151 ng Revised Penal Code at Batas Pambansa blg. 880 at pinatulan ng libo-libong piso bawat mag-aaral bilang piyansa.
Tinugunan ang hamong ito ng Center for Clinical Legal Education and Legal Aid Services (CCLELAS) ng unibersided na nagpadala ng grupong binubuo ng mga propesyonal at mag-aaral ng UMak School of Law (SOL), habang nanguna ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at Karapatan NCR sa pagbibigay ng legal na suporta sa mga pagdinig.
Mabilis ding kumilos ang iba’t ibang organisasyon at alyansa sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa insidente.
Agad na nagtungo ang Philippines Against Child Trafficking (PACT) upang tiyakin ang kapakanan ng mga inaresto. Samantala, nagpahayag din ng suporta ang Commission on Human Rights (CHR) at iginiit na may malinaw na paglabag sa kanilang mga karapatang pantao. Nagpadala rin ang Medical Assistance Group (MAG) upang suriin ang kanilang pisikal na kalagayan.
Dagdag pa rito ang walang tigil na pagpapahayag ng suporta ng Alliance of Concerned Herons (ACH), Gabriela Youth UMak, Anakbayan UMak, Panday Sining UMak, at iba pang mga progresibong pangkat na humihiling ng kanilang paglaya—kaakibat ang patuloy na pamamahagi ng pagkain ng kanilang mga kapamilya, kaklase at kaibigan habang sila ay nasa loob ng detensyon.
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin naging madali ang buhay ng tatlong mag-aaral sa loob ng kulungan.
“Nandoon pa rin ‘yung hirap na hindi ka makagawa ng aksyon o kahit anong tulong para isulong yung adbokasiya na meron kami kasi wala kang kalayaan para gawin ‘yun kaya wala kang ibang gagawin kundi magdasal at patatagin ‘yung loob mo,” ani isa sa mga mag-aaral na nadakip, mula sa aming panayam matapos silang makalaya.
Dagdag pa niya na dumating sa punto na hindi na kayang idaan sa mga panalangin ang estado ng kaniyang pag-iisip at mayroong mga pagkakataong binabangungot siya at ninanais na lang umiyak magdamag. Nalagpasan niya ang lahat ng ito sa pagkuha ng inspirasyon mula sa mga nagnais na makiisa sa kanilang hangarin at adbokasiya.
Ayon sa isa pang bahagi ng HERONS 3, higit na namulat ang kaniyang kamalayan dahil sa karanasan sa pananatili sa loob ng selda. Binigyang-diin niya ang mga suliranin sa sistema ng hustisya sa Pilipinas. Sa katunayan, ilan din sa mga nakasama nila sa loob ay mayroon pang mga kasong dinidinig at patuloy na naghahangad ng katarungan.
Higit pa rito, kabilang sa kaniyang mga ikinagulat ay ang kawalan ng badyet ng gobyerno para sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tao sa loob ng bilangguan. Ibinahagi niyang kulob at siksikan ang loob ng selda, kung saan lumang lalagyan ng ice cream lamang ang ginagamit na lagayan ng pagkain ng mga taong nakakulong, na nakakamay lamang din kung kumain. Dagdag pa rito, mula lamang sa mga bisita nagmumula ang kanilang pagkain.
Sa gitna pa ng detensyon, nagkaroon ng ubo at sipon ang isa sa mga mag-aaral na inaresto at pawang konseho ng mag-aaral pa umano ang bumili at nagbigay sa estudyante ng gamot upang maibsan ito.
Lunes, Nobyembre 16, tatlong araw matapos ang kanilang aresto, isinagawa ang kanilang inquest proceeding kung saan isiniyasat ng pampublikong tagausig ang ilegal na pag-aresto nang walang warrant of arrest. Pirma na lamang ng piskal ang hinihintay upang sila ay pakawalan, subalit sumabay at nagsilbing hadlang umano ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit 2026 sa mabilisang pag-proseso ng mga dokumento na kinakailangan sa kanilang paglaya. Alinsunod sa Department of Justice – National Prosecution Service (DOJ-NPS), dapat maresolba sa araw ng pagsasangguni ang mga kasong isinailalim sa inquest at maipasa ang mga ito para sa pag-apruba sa susunod na working day. Kaugnay nito, iginiit ng Karapatan NCR na dapat kwestyunin at panagutin ang Taguig Prosecutor’s Office sa pagkaantala ng pag-aksyon sa kaso ng HERONS 3, na anila’y lumalabag sa karapatan ng tatlong indibidwal sa kalayaan at makatarungang proseso sa batas. [2][3][4][5][6][7]
Matapos ang kaguluhan, matagal na proseso at patuloy na hidwaan ng mga mamamayan at pulisya, matagumpay na nakalaya at nabiyayaan ng hustisya ang tatlong estudyante.
Huwebes, 7:09 pm ng Nobyembre 19, opisyal na inanunsyo ng College of Governance and Public Policy Student Council (CGPP-SC) na ibinasura na ng hukuman ang mga kaso sa tatlong mag-aaral. [8]
“Niyakap ko ‘yung magulang ko. Niyakap ko yung mga kasama ko habang umiiyak kasi sobrang saya ko talaga na nasa maayos na kalagayan sila,” ayon sa mag-aaral na kasama sa HERONS 3.
Isang araw matapos ang paglaya ng tatlo, naglabas ng pahayag ang UMak Office of the Student Regent (OSR) hinggil sa pagkakadetine ng mga mag-aaral. Sa naturang pahayag, iginiit ng OSR ang pagtutol nito sa inisyatibong Pax Silica at ipinahayag ang pakikiisa sa mga kapwa Heron na nasangkot sa insidente. Nanawagan ang OSR sa pamantasan na makibahagi at manindigan sa mga ganitong usapin, lalo na kung nakataya ang kapakanan at karapatan ng mga mag-aaral nito. [9]
“Nananawagan kami sa administrasyon na malinaw na ipahayag at isabuhay ang pagtatanggol sa mga mag-aaral, lalo na kanilang karapatang pantao, kalayaan sa pagpapahayag, at kalayaang pang-akademiko. Ang pagtatanggol sa mga Herons ay hindi lamang responsibilidad ng kanilang mga kapwa estudyante, kundi bahagi rin ng pananagutan ng mismong pamantasan,” saad ng OSR sa opisyal nitong pahayag
Humaharap sa kasalukuyan ang UMak sa pagiging punong-abala ng World University Rankings for Innovation (WURI) International Research Conference 2026. Sa kabila ng pagdaraos ng pandaigdigang kumperensya, wala pang inilalabas na pahayag ang pamantasan hinggil sa pagkakadetine ng tatlong mag-aaral nito.
Sa kabila nito, nananatiling matatag at naninindigan ang mga estudyante sa kanilang prinsipyo at adbokasiya at sinabi na hinding-hindi mabubusalan ng estado ang mga panawagan at hinaing sa pag-a-aresto at panunupil ng boses ng nagkakaisang mamamayan. Kung tatlo ang inaresto nila, libo-libo pang rebolusyonaryo at militanteng Herons ang lilitaw mula roon.
Hindi sa pagdakip ng tatlong mag-aaral naramdaman ang bihirang pagsapit ng Petsa de Peligro. Sa halip, natamasa ito sa paraan ng pilit na pagprotekta ng mga awtoridad na mayroon pa ring kakayahang ikanlong ang nakatataas na harapan silang nililinlang, at pagpapatahimik sa mga taong tumataliwas sa pamamagitan ng plakard, boses, at hangaring mabigyan ng hustisya ang bayan. Marahil patunay ang insidente na gaano man kakapal ang haligi upang patahimikin ang mga ibong may paninindigan, sapat ang kanilang pakpak upang ito ay ipahayag at lumaya.
Sambit nga ng HERONS 3, “… patuloy nating pukawin ang damdamin ng mga taong nais nating maging bahagi ng pagsulong sa pagbabago, dahil hindi mapapatahimik ng kahit ano pang uri ng represyon sa loob man ng pamantasan o sa lipunan ang kagustuhan ng tao upang kumilos”.
Isinulat ni Duztin Andrei Guevara at Jewel Ashley Añonuevo
