Sa kabila ng init ng araw, biglang buhos ng ulan, at putik sa lansangan, kapansin-pansin ang itim na bandilang may bungo at straw hat—bitbit ng mga taong naninindigan para sa bayan.

Eksena mula sa One Piece Episode 1085 na pinamagatang “Pag-alis ng Strawhats – Damdaming Wakas ng Wano Arc.” (Litrato | Screengrab/Onep Piece/Crunchroll)
Karaniwang makikita ang Jolly Roger, sagisag ng Straw Hat Pirates mula sa One Piece, sa mga tagahanga ng anime at manga. Ngunit ngayon, lumampas na ito sa mundo ng libangan at naging simbolo ng protesta. Ang One Piece, likha ng Japanese Manga Artist na si Eiichiro Oda, ay umiikot sa pakikipagsapalaran ng Straw Hat Pirates laban sa isang makapangyarihang World Government. Sa kuwento, ang kanilang bandila ay tanda ng paglaya at pagtutol sa pang-aapi—isang temang mabilis na tumatagos sa kabataang naghahangad ng mas tapat at makatarungang pamahalaan.

Mariing harap sa hanay ng kapulisan, taas-noo ang watawat ng Pilipinas kasama ang watawat ni Jolly Roger. (Litrato | Kenji So / atbp.. / via Facebook.)
Sa Pilipinas, makikita ang Jolly Roger sa mga kilos-protesta gaya ng Baha sa Luneta, Mendiola, at Trillion Peso March. Bitbit ito ng mga taga suporta ng kwento habang hawak din nila ang mga plakard na nagtatanong kung saan napunta ang pondo at kung bakit nananatiling kulang ang serbisyo publiko. Sa social media, mabilis na kumalat ang mga larawan ng bandilang ito, na nagbigay ng panibagong sigla at pagkakaisa sa iba’t ibang panawagan.

Dalawang Jolly Roger flags binandera rin sa Luneta Park, Manila (Litrato | Jean Mangaluz/via Philstar.com)

Binandera rin ang Jolly Roger Flag sa Edsa Shrine para sa #TrillionPesoMarch (Litrato | Khristine Royo/Bandera)
Hindi lamang sa bansa lumaganap ang simbolo. Sa Indonesia, nakita ito bago ang kanilang Araw ng Kalayaan, kung saan mga manggagawa, estudyante, at artista ay sabay-sabay na kumilos laban sa korapsyon.

Bitbit ng isang nagpoprotesta ang watawat ng Indonesia at ang pirate flag mula sa anime na One Piece sa isinagawang kilos-protesta sa tapat ng tirahan ng gobernador sa Surabaya noong Agosto 29. (Litrato | Juni Kriswanto/AFP/Getty Images)
Ginamit rin ito ng mga Gen Z sa Nepal protesters bilang pagpapakita ng pagkadismaya sa tradisyunal na politika, na minsan ay humantong sa tensyon sa pagitan ng kabataan at pwersa ng estado.

Iwinagayway ng mga nagpoprotesta ang Jolly Roger ng Straw Hat Pirates sa gitna ng demonstrasyon. (Litrato | @AnimeSpotlight)
Sa France, dala rin ito ng mga nagprotesta laban sa pagbawas ng pondo para sa mga serbisyong panlipunan. Ipinapakita ng mga halimbawang ito kung paanong ang isang imahen mula sa pop culture ay naging internasyonal na wika ng protesta.

Isang bandila ng One Piece sa kilos-protestang “Block Everything” sa Paris, France, noong Setyembre 10. (Litrato | Vincent Koebel/NurPhoto via Getty Images)
Dalawa ang pangunahing epekto ng paggamit ng ganitong simbolo. Una, mas napapansin at mas mabilis na nagiging viral ang mga protesta. Isang larawan ng Jolly Roger ay madaling kumalat online at agad na nagiging usap-usapan. Pangalawa, nagdudulot ito ng hamon sa mga awtoridad. May mga gobyernong nakikita ang bandila bilang banta at minsan ay sinusubukang ipagbawal o kumpiskahin ito. Gayunpaman, para sa mga human rights group, malinaw na ito ay bahagi ng karapatang magpahayag.

Mga kabataang rallyista sa gitna ng water canon ng mga kapulisan sa kahabaan ng Mendiola, Maynila (Litrato | Kenji So / atbp.. / via Facebook.)
Para sa mga taga suporta ng kwento, ang Jolly Roger ay higit pa sa isang imahen mula sa isang kuwento. Isa itong malikhaing paraan ng protesta—ginagamit ang pamilyar na simbolo mula sa pop culture upang gawing mas kaugnay at mas madaling maiparating ang mensahe. Gayunman, hamon sa mga organisador na huwag manatili lamang sa anyo at tiyakin na may malinaw na direksyon ang kanilang ipinaglalaban.
Sa huli, ang bandilang dati’y bahagi lamang ng kathang-isip ay naging tunay na sagisag ng panawagan para sa pagbabago. Sa bawat pagwagayway nito sa Luneta at sa iba’t ibang panig ng mundo, malinaw ang mensahe ng mga tao:
“Hindi kami tatahimik. Karapatan namin ang hustisya at mas maayos na pamahalaan.”
