Hindi ako mayaman, pero pribilehiyo siguro kung natutuwa ako sa ulan.

Sa simula,
ang unang patak ay
banayad na kumakatok sa yero—
tila ba’y nagpapaalam.
May mga batang tumatakbo,
mga palad na nakalaylay sa hangin,
mga daliring humahabol sa unti-unting pagbuhos.
“Ayan na ‘yung ulan!” sigaw nila, wari’y handog ng langit.
Para bang ang ulan ay laging musika ng piyano—hindi kailanman magiging putik
na kumakain sa pintuan ng bahay. Na para bang palagi itong mahinahon,
at hindi halimaw na unti-unting sumasakop sa sahig ng sala.
Ngunit sa masikip at magulong dulo ng Barangay Talulot, tahimik ang paligid.
Walang mga palad na nakataas. Walang mga paang sumasayaw. Tanging mga kamay na may hawak ng timba,
nagmamadaling saluhin ang tagas bago pa lubusang lumubog ang sahig. Tanging mga nanay na minamadaling igulong ang banig,
bago pasukin ng tubig ang katahimikan ng gabi. Romantiko ang ulan para sa tuyong tahanan.
Sa mga tula, ito ay simbolismo ng simula. Sa pelikula, ito ang tagpong halik, ng pagbabalikan, ng luha na tinatanggap ang nakaraan.
Pero ang mga metaporang ito ay isinulat sa isang mainit na kwarto—ng mga taong hindi kailanman gumamit ng payong
sa loob ng bahay. Ng mga hindi kailangang ipagpaliban ang pagbebenta upang hindi mabasa.
Ng mga kailangang lisanin ang tahanan upang hindi lunurin ng baha.
May mga nagtatampisaw sa ulan para sa aliw. May mga humihiling para sa dala nitong lamig.
May mga nagdarasal na huwag muna: hindi pa tuyo ang labahan, may naniningil sa labas,
at ang sapa’y tila naghihintay na lang ng huling patak bago umapaw.
Nakakatuwa ang ulan, kung hindi butas ang bubong mo, kung hindi lumulubog ang kalye sa harap,
kung hindi nanay mo ang naglalampaso ng alas-kuwatro nang madaling araw,
kung hindi mo kailangan ang evacuation center, kasama ang aso at isang kahong de-latang
paghahatian n’yo ng pamilya mo.
Kaya naman kapag umuulan, napapaisip ako.
Marahil hindi man magarbo ang kwarto ko,
ang magustuhan ang ulan ay isa sigurong
pribilehiyo.

Written by: Janessa Frizzia Visaya

Illustrated by: Russel Jewel De Vera

USMO

The official news website of the University of Makati Student Multimedia Organization. We, the campus journalists of the University of Makati, as a duly recognized student publication, shall adhere to the principles and ethics of journalism, mission-vision, and objectives of the university and organization; to advocate autonomous campus press ideals as a genuine service and aid in the formation of trustworthy and devoted student journalists and leaders, do ordain and promulgate this Constitution and Bylaws.