Paglilingkod sa Bayan, Paratang sa Lipunan

“Iskolar ng Bayan, Ngayon ay Lumalaban” isang katagang palaging ipinagmamalaki ng lipunan, subalit sa bawat trahedyang inuulit, mas lumilinaw ang masakit na katotohanan. Ang pagiging iskolar ng bayan ay hindi simpleng pagpasok sa pamantasan o pagkamit ng diploma. Ito ay paninindigan na hinuhubog ng karanasang higit pa sa silid-aralan, ng kakayahang harapin ang lipunang matagal nang binubulag ng mga nasa kapangyarihan.

Noong Abril 19, yumanig ang Negros Occidental sa pagkasawi ng tinaguriang “Negros 19” sa gitna ng engkwentro ng 79th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines at New People’s Army. Ayon sa mga ulat, 10 sa mga nasawi ay ‘di umano’y kasapi ng armadong rebolusyonaryong grupo, habang ang siyam naman ay mga sibilyan, kabilang ang dalawang menor de edad. Ang insidente ay hindi lamang tala ng pagkawala ng buhay kundi malinaw na salamin ng sistemang patuloy na nabibigo sa pagprotekta sa sarili nitong mamamayan. Kabilang sa mga nasawi si Maureen Keil “Mau” Santuyo, isang alumna ng University of Makati bago siya nagpatuloy sa University of the Philippines Open University. Ang mga pampublikong unibersidad ay pinopondohan ng taumbayan, kaya ang kanilang mga estudyante ay hindi lamang benepisyaryo, kundi mga kabataang hinubog ng bayan para sa bayan. [1][2]

Kung ganoon, bakit tila sila pa ang madalas nauuwi sa panganib, sa paninisi, at sa pagkalimot?

Si Mau ay hindi nanatili sa ligtas na espasyo ng akademya. Lumabas siya hindi dahil sa paghahanap ng panganib, kundi dahil sa malinaw na pag-unawa sa reyalidad. Nakita niya ang mga komunidad na matagal nang hindi naririnig, ang mga magsasakang matagal nang iniiwan ng sistema, at ang mga buhay na halos hindi na napapansin ng estado. Kasama niya ang iba pang kabataang sibilyan na sina Alyssa Alano at Errol Wendel, na piniling tumuntong sa mga komunidad hindi bilang tagamasid, kundi bilang kabahagi ng katotohanan. [3]

Ngunit sa bansang ito, ang malasakit ay nagiging banta. Ang pakikibahagi ay ginagawang hinala. Ang paghahanap ng katotohanan ay binabansagang krimen. Sa halip na pagdadalamhati, ang sumalubong ay pangungutya. Sa social media, tinawag silang NPA, ginawang biro ang kanilang pagkamatay, at binura ang dignidad ng kanilang pagkawala na tila wala silang halaga bilang tao. May mga nagsasabing “corned beef” ang kanilang sinapit, na para bang ang 19 na buhay ay simpleng materyal para sa katatawanan. Ito ang masakit na reyalidad, mas mabilis pang magbiro kaysa makiramay, mas madali pang manghusga kaysa umunawa. Mas masakit pa rito ang paulit-ulit na tanong na ibinabato sa kanila—bakit daw sila pumunta sa kabundukan kung alam nilang delikado, bakit daw nila pinili ang panganib kaysa manatili sa “ligtas,” bakit hindi na lang sila umiwas sa mga lugar na malinaw namang may banta. Sa ganitong mga tanong, tila ang bigat ng pananagutan ay tahimik na inililipat sa kanila, habang nababalewala ang mas malalim na konteksto ng kanilang pagpunta—ang layunin ng pag-aaral, pakikisalamuha, at pag-unawa sa mga komunidad na matagal nang hindi napagtutuunan ng pansin.

Ngunit hindi ba’t sila’y mga mananaliksik? Noon pa man, may mga taong nilalandas ang kabundukan at binabagtas ang mga kanayunan upang siyasatin ang kalagayan ng mga pamayanang matagal nang nakalugmok sa laylayan. Nakikipamuhay sila sa masa upang higit na maunawaan ang kanilang buhay, kultura, at mga panganib na araw-araw nilang sinusuong. Sa katunayan, ang ligtas nating pagdanas at pagpapahalaga sa kabundukan ngayon ay bunga ng kaalamang isinugal at inialay ng mga matatapang na mananaliksik, katuwang ang mga lokal na mamamayan. Kung hindi dahil sa kanilang paglalantad ng katotohanan, mananatiling nakabusal sa dilim ang tunay na kalagayan at mga suliraning matagal nang dinaranas ng mga komunidad sa liblib na lugar.

May ilan ding nagtatanong: “May pahintulot ba sila mula sa mga kinauukulan upang magsaliksik doon?” Ngunit kailan pa naging tanikala ang permiso upang maunawaan ang paghihirap ng mga komunidad na matagal nang pinabayaan at isinadlak sa laylayan? Kung ang kawalan ng pahintulot ang ginagawang katwiran upang yurakan ang halaga ng buhay, sino naman ang nagkaloob sa mga armadong awtoridad ng kapangyarihang kitlin ang buhay ng mga sibilyang walang laban? Mga sibilyang ang tanging hangarin ay magsaliksik, matuto, at makipamuhay kasama ng masang matagal nang binusalan ng kapabayaan at dahas. Ang pakikinig sa hinaing ng bayan ay hindi kailanman naging kasalanan. Ang pakikiisa sa masang api ay hindi krimen.

Sa kabilang banda, ang paulit-ulit na paliwanag ay pareho rin. Armado, nanlaban, engkwentro. Paulit-ulit na salaysay na tila sapat na upang tabunan ang mas malalim na tanong kung paanong ang paglapit sa mga komunidad ay nauuwi sa pagkasawi, kung bakit ang mga kabataang iskolar ay napupunta sa gitna ng karahasan imbes na manatili sa ligtas na espasyo ng kaalaman?

Hindi basta nagiging aktibista ang isang kabataan. Ito ay nakaugat sa malalim na suliraning panlipunan gaya ng kawalan ng hustisya, lantarang pangangamkam ng lupa, at sa patuloy na pagyurak sa karapatang pantao ng mga nasa kapangyarihan na silang dapat nagtatanggol at naglilingkod sa taumbayan. Ang aktibismo ay hindi biglaan. Ito ay tugon sa sistemang matagal nang hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga nasa laylayan. Kaya ang mas mahalagang usapin ay hindi ang pagpunta nila sa mga komunidad, kundi ang katotohanang ang estado ay madalas na wala roon bago pa man sumiklab ang trahedya. Ang mga kabataang iskolar ang pumipiling tumulay sa puwang na dapat sana ay matagal nang pinupunan ng mga nakaupo sa pwesto.

Sa ganitong kalagayan, hindi na maiiwasan ang usapin ng pananagutan. Sapagkat kung walang mananagot, ang parehong siklo ay mauulit lamang—paninisi sa biktima, paglilinis ng ebidensya, at katahimikan matapos ang trahedya. Ito ang anyo ng isang sistemang patuloy na umiiral dahil binabalewala ang mga hinaing at boses ng mga nananawagan ng pananagutan. Habang patuloy itong nangyayari, nananatiling walang saysay ang mga buhay na nawala, unti-unting nababaon sa limot ang kanilang mga pangalan, at nagiging normal ang mga bagay na hindi dapat kailanman tinatanggap.

Hindi ito usapin ng ideolohiya o pagkakakilanlan. 19 na buhay ang nawala, mga kabataang may pangarap, pamilya, at kinabukasang hindi na mabubuo. Ang mas mabigat na katotohanan ay hindi lamang ang kanilang pagkawala, kundi ang sistemang patuloy na nagpapahintulot na maulit ito.

Ang pagiging Iskolar ng Bayan ay hindi lamang titulo. Ito ay tungkulin at paninindigan na dapat tumindig sa harap ng katotohanan. Ngunit paano ito isasabuhay kung ang mismong sistemang dapat magprotekta sa kabataan ay siya ring naglalagay sa kanila sa hukay?

Hindi dapat matapos sa katahimikan ang ganitong trahedya. Ang pananahimik ay hindi neutral; ito ay anyo ng pagsang-ayon sa patuloy na pang-aabuso, pagpatay at kawalang-katarungan. Panahon na upang makialam, hindi bilang tagamasid, kundi bilang bahagi ng lipunang may pananagutan sa isa’t isa.

Dapat ding muling balikan kung ano nga ba ang kahulugan ng pagiging iskolar ng bayan. Hindi ito natatapos sa pagpasok sa pamantasan o sa pagkakaroon ng diploma. Ang pagiging iskolar ay may kaakibat na tungkulin: ang kakayahang makita ang mali, ang tapang na manindigan para sa katotohanan, at ang dalhin sa lansangan ang mga natutuhan upang pagsilbihan ang masang api.

At gaya ni Mau, marami pang kabataang pinipiling lumabas, makialam, at magsilbi, sa kabila ng panganib at pananahimik ng sistema. Kaya ang laban para sa hustisya ay hindi nagtatapos sa iisang pangalan, sapagkat ang kanilang kuwento ay kuwento rin ng marami pang katulad niya na patuloy na naninindigan para sa taumbayan.

Ang diwa ng pagiging iskolar ay nananatiling buhay sa pagtindig at paglaban para sa katotohanan. Ang Iskolar ng Bayan ay patuloy na lalaban—lagi’t lagi para sa Diyos, sa kabataan, at sa bayan.

Inilathala ni Liway

USMO

The official news website of the University of Makati Student Multimedia Organization. We, the campus journalists of the University of Makati, as a duly recognized student publication, shall adhere to the principles and ethics of journalism, mission-vision, and objectives of the university and organization; to advocate autonomous campus press ideals as a genuine service and aid in the formation of trustworthy and devoted student journalists and leaders, do ordain and promulgate this Constitution and Bylaws.