DISCLAIMER | Ang mga akdang pampanitikan na inilathala ng USMO sa artikulong ito, na nagmula sa Herons’ Flight Magazine Vol. 4: Echo, ay hindi kumakatawan sa mga pananaw ng Unibersidad ng Makati, mga administrador, kawani, o mga mag-aaral nito.
Tuluyang sumikat ang haring araw, ngunit hindi pa rin lubos na naglalaho ang bakas ng kabilugan ng buwan. Nagpadaan-daan ang sangkatauhan, nagpalundag-lundag ang mga kabataan at may isang matandang tahimik na nakikibagay. Si Tatay Pablo—isang matandang barbero na nakikipag-agawan sa oras ng buhay, may puting balbas, at magaan na ngiti. Sa kabila ng init, ang kanyang maingat na kamay ang bumabagay sa bawat galaw ng gunting na nagbibigay-halaga sa kanyang hanapbuhay.
Sa pag-igkas ng unang sinag ng araw, ang mga ulap ay dahan-dahang tinataboy ng hangin, muling nagbigay buhay sa bayan ang barberya ni Tatay Pablo. Sa kanto ng isang abalang kalsada, harap ng malaking puno ng Acacia bilang lilim, may isang maliit na barberya na ubod ng galak. Ang maliit na establisimyento’y tila kabigha-bighani sa simpleng anyo nito. Nananatiling buhay ang espasyo sa lamig ng bentilador sa sulok, habang dumarami ang mga lalaking naghihintay ng kanilang pagkakataon sa salaming trono.
Sa bawat tunog ng gunting at lagaslas ng kwentuhan, ang barberya ay tila naging isang lihim na silid-balitaan ng mga tao, kabilang ang mga kababaihan, kabataan, at mga magulang sa komunidad. Ang bawat sulok ng kisame nito’y tila nagtataglay ng mga kuwento—mga hindi nasasabing saloobin, mga pagnanais na matagal nang kinikimkim. Marahil dito nabubuo ang mga kuro-kuro, pagsisimula ng mga kwento, at pagsasalaysay ng mga pag-asa’t pangarap na pagbabago.
“Kapag natutuhan mo nang gumupit, ‘di ka na magigipit,” ang palaging paalala ni Tatay Pablo. Sa bawat wasiwas ng gunting at galaw ng kanyang daliri, dala niya ang mga kuwento ng kahapon—mga alaala ng kanyang kabataan, mga aral ng buhay, at mga simpleng kwento ng araw-araw. Ang kakaibang aliw at libangan na hatid ng kanyang maliit na barberya ang dahilan kung bakit patuloy itong dinarayo. Kahit na ang kanyang gunting ay may bakas ng panahon, ngunit ito’y nananatiling matalim na tila simbolo ng kanyang dedikasyon. Sa tuwing hahagod ang kanyang kamay, tila may kasabay na pagninilay, kaharian ng kwentuhan at pagpapalitan ng pananaw.
Sa panibagong araw, tila sinusubok ang lakas ni Tatay Pablo. Mula pa lang sa unang hakbang ng umaga, tumatagaktak na ang kanyang pawis, animo’y isang umaagos na batis. Habang tumatagal, lalo pang dumadagsa ang tao sa kanyang barberya sabay ang tirik ng araw na nagbabadya sa katanghalian. Kasabay nang pag-aliwalas sa silid, makikita sa harapang repleksyon ng salamin ang matuling pagkagat ng gunting sa buhok ng isang binata.
Maya-maya pa ay humuni ang luma ngunit maayos pang radyo na nagbibigay buhay sa katahimikan. “Mga kababayan, isa na namang kontrobersya ang lumutang ukol sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan. Pinanawagan ang masusing imbestigasyon sa isyu ng korapsyon na patuloy na bumabalot sa administrasyon…” Bahagyang napahinto si Tatay Pablo, ngunit hindi ang kanyang kamay. Sanay na siya sa ganitong balita. Sa mga oras na ito, nagiging karagdagang ingay na lamang ang mga salitang paulit-ulit niyang naririnig. Ngunit para sa ibang naroroon, kabilang ang binata na kanyang ginugupitan, ang balita’y wari’y gasolina sa mainit na diskusyon..
“Alam mo, Tatay Pablo,” bungad ng binata na nagngangalang Isidro, may singkit na mata at kutis marangya, habang mariing nakatitig sa repleksyon ni Tatay Pablo, “ang hirap isipin na ganito pa rin ang kalakaran sa Pilipinas.” Bakas sa kanyang boses ang pagkadismaya. “Kung ako lang ang Presidente, ang dami kong plano para sa bayan,” dagdag pa niya at nagbuntong-hininga. Habang nagkukwento si Isidro, nanatili lamang si Tatay Pablo sa kanyang trabaho, tahimik na ngumiti habang abala ang kanyang gunting. Gutom na ang kanyang kalamnan sa init at pagod, ngunit tila hindi nauubos ang mga kwento at suking pumupuno sa kanyang araw.
“Ang gandang pangarap ‘yan bilang isang mag-aaral pa lamang,” saad ni Tatay Pablo. “Pero hindi ba mas mahalaga kung ang bawat isa, kahit gaano man kaliit, ay may ginagawa para maisaayos ang pamumuhay nila,” Dagdag niyang tanong habang umuugong ang ingay ng lumang bentilador, wari sumasabay sa ritmo ng kanilang pag-uusap.
Lumalim ang pag-iisip ni Isidro. “Madaling sabihin ‘yan, Tatay Pablo,” tugon niya. “Pero hindi ba ang ugat ng problema ay nasa sistema? Hangga’t may korapsyon, mahirap umasenso.” usisang sabi nito. Tuluyang napatigil si Tatay Pablo kabilang ang kaniyang mga daliri, bahagyang binaling ang tingin sa salaming nasa harap nila. Marahang tinapik ni Tatay Pablo ang balikat ni Isidro. Sa saglit na iyon, tila nagsalubong ang kanilang mga tingin at pananaw sa payak na repleksyon. Ang amoy ng pomada at pulbos ay humahalimuyak sa maliit na espasyo.
“Hindi ko sinasabi na balewalain natin ‘yan, hijo. Pero habang naghihintay tayo ng pagbabago, bakit hindi natin simulan sa sarili natin?” malumanay na tugon ni Tatay Pablo. “Ako, simpleng barbero. Pero sa bawat pagkagat ng gunting na hawak ko, naisasalba ko ang pang-araw-araw na gastusin sa buhay ko. Tulad ng lagi kong sinasabi…” marahang sabi ni Tatay Pablo sa binata. Hindi sumang-ayon si Isidro.
“Sa taas ng bilihin ngayon, ‘Tay, hindi na sumasapat kahit anong halaga ng salapi,” sagot ni Isidro. “Paano ang boses ng mga mahihirap? Kung mapatupad ko lang ang dalawampung pisong halaga ng bigas kapag ako’y Presidente, wala nang magugutom na Pilipino,” pagmamalaki niyang sambit. Ang seryosong ekspresyon ni Tatay Pablo ay napalitan ng mahinhin ngunit makahulugang hagikgik.
“Tunay ngang maganda ang pangarap na ‘yan, hijo. Pero ang tunay na pagbabago, hindi lang nakasalalay sa isang tao. Kahit anong ganda ng plano mo, kung hindi makikiisa ang tao, mahihirapan kang magtagumpay,” dagdag na paliwanag niya. Napasinghal nang malalim si Isidro. Ang simpleng kataga ni Tatay Pablo ay tila naging salamin ng kanyang sarili. Hindi niya kontrolado ang pamamalakad ng nakakataas, pero kontrolado niya kung paano siya kikilos at magtataguyod sa kabila ng mga hamon ng buhay.
Sa kanyang pagninilay, naisip ni Isidro ang iba’t ibang hinaing ng mga Pilipino; ang tinig ng magsasakang nakayuko sa ilalim ng araw, ang bulong ng gurong pagod sa araw-araw na pagtuturo, at ang buntong-hininga ng manggagawang walang katiyakan sa kinabukasan—tulad ni Tatay Pablo. Bagamat hindi siya lubos na sumasang-ayon sa pananaw nito, hindi niya maikakailang may katotohanan ang mga salitang nabanggit.
Naisip ng binata na sa pagputol gunting, may bagong anyo na nabubuo; may panibagong simula. Ang boses na minsa’y mahina, kapag nagsama-sama, gaya sa loob ng maliit na espasyo ng barberya, ay maaaring lumakas tulad ng dagundong ng kulog sa madilim na langit. Ang bawat hinaing ay iingay sa nararapat na pagbibigay pansin para sa kinabukasang may katiyakan.
Sa huling segundo ng paghapos ng pulbos sa kaniyang leeg, naisip ni Isidro na sa kabila ng pagiging simpleng buhay ni Tatay Pablo; sa bawat galaw ng gunting, may layuning gawing mas maayos ang isang bagay. At kung nagagawa ng isang simpleng barbero na ayusin ang magulong buhok ng isang tao, bakit hindi magawa ng isang lipunan na ayusin ang sarili nito? May lalim ang kaniyang pananaw. Hindi kinontra ni Tatay Pablo ang sistema, ngunit hindi rin siya nagpadala sa agos nito. Kapag natutuhan mo nang gumupit, ‘di ka na magigipit, pagsang-ayon niya sa kaniyang isip na tila mas malalim ang kahulugan kaysa noong una niyang narinig.
Illustrated by Ronn Eizen Villapando
