Sentimo at Sentimyento: Bawat Piso, Boses sa Pondo

Hindi kailanman naging masama ang pagiging transparent—ngunit nagiging problema ito kapag ang tinatawag na “transparency” ay kulang sa linaw. Enero 16, 2026, naglabas ang UMak University Student Council (USC) ng transparency report para sa unang semestre. Sa unang tingin, tila ito ay isang hakbang tungo sa pananagutan. Ngunit habang mas binubusisi ng komunidad ng University of Makati (UMak) ang ulat, mas maraming tanong ang lumilitaw imbis na sagot.

No description available.

Enero 2026: Opisyal na Facebook post ng UMak University Student Council na nagpapakita ng Transparency Report, na naglalaman ng budget breakdown at mga gastos sa bawat aktibidad noong unang semestre.

Hindi na maituturing na bagong isyu ang kontrobersiyang ito sapagkat sa mga nakalipas na termino ay ilang ulit na rin kinaharap ng konseho ang problema patungkol sa transparency at kakulangan ng mga ibinabahaging mga impormasyon. Ang isyu na ito ang nagsilbing mitsa upang magmungkahi ng rebisyon sa konstitusyon at by-laws noong nakaraang taon—nang sa gayon ay matitiyak na hindi na maulit ang suliranin. Ngunit bakit tila hindi na natuto ang konseho sa mga pagkakamali ng nakaraan at paulit-ulit na lamang ang ganitong siklo? Kung ang repormang ginawa ay hindi naman nasusunod, paano natin masasabing may nagbago? Sa kabila ng panawagan para sa mas malinaw na paliwanag at pananagutan, ito ay nananatiling walang konkretong solusyon, dahilan upang patuloy na mabuo ang pagdududa sa USC, na siyang dapat nagsisilbing kinatawan ng mga estudyante. 

Lalong umigting ang galit at pagkadismaya ng mga mag-aaral dahil inilabas ang transparency report sa mismong panahong aktibong kinokolekta ang organizational fees. Hindi ito basta isyu ng hindi magandang tiyempo—ito ay malinaw na salamin ng kawalan ng malasakit. Habang hinihingan ng bayad ang mga estudyante, sabay nilang nasisilayan kung paano winawaldas ang perang ipinagkatiwala nila. Sa ganitong sitwasyon, hindi na maiiwasang itanong: ganito ba talaga ang pagtrato sa pondong ipinagkatiwala sa mga lider na inaasahang maglilingkod nang tapat? 

Mas lalo pang lumala ang sitwasyon dahil sa matagal na pagkaantala ng paglabas ng ulat. Nang sa wakas ay naipresenta ito, umaasa ang mga estudyante sa malinaw, buo, at tapat na paliwanag—ngunit ang bumungad ay isang ulat na tila minadali at pilit pinagtagpi-tagpi. Lalo na sa procurement ng mga gamit, kapansin-pansin ang paulit-ulit na hiwa-hiwalay na pagbili sa halip na isang sistematikong proseso. Dagdag pa rito, kapansin-pansing wala sa ulat ang ilang mahahalagang kaganapan gaya ng Philippine Association of Campus Student Leaders (PACSL) at Mr. and Miss UMak (MMU) Paragon 2026: Bare & Rare—na lalong nagpapalabo sa katotohanan. Hindi ito agarang paratang, ngunit ang ganitong gawi, kapag kulang ang paliwanag ay natural na nagbubunsod ng pagdududa.

Higit pang naging problematiko ang ulat dahil sa dami ng gastusing nakalista ngunit kulang sa paliwanag. Sunod-sunod ang pagbili ng pagkain mula sa mga establisimyento gaya ng Zus Coffee, Mixue, MUJI, Moshi Manju, at iba pa. Kung pagsasamahin, ang mga gastusing ito ay umaabot sa libo-libong piso—halagang maaari sanang mailaan sa mas makabuluhan at importanteng bagay. Gayundin, ang mga tinaguriang “assorted grocery purchases” mula sa iba’t ibang supermarket ay inilista nang walang anumang detalye: walang itemized list, walang malinaw na layunin, at walang paliwanag kung sino ang direktang nakinabang. May mga halaga, oo—ngunit wala ang konteksto. Ang transparency na walang konteksto ay hindi tunay na transparency—ito ay listahan lamang ng mga numero na nag-iiwan ng puwang para sa espekulasyon.

Hindi rin nakaligtas sa mata ng komunidad ang mga gastusing malinaw na lumalagpas na sa batayang pangangailangan at nagmumukhang luho. Isang hindi nagpakilalang post mula sa Facebook group na UMAK HERONS UPDATE ang nagsilbing mitsa matapos nitong ilantad at himayin ang mga kahina-hinalang gastos sa ulat. Bilang tugon, iginiit ng USC na “these expenses are necessary to ensure the successful execution of its initiatives” [kinakailangan ang mga gastusing ito upang matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng kanilang mga proyekto] at para umano sa mga miyembro ng working committees na naglaan ng oras at lakas. Ngunit dito mas tumitindi ang usapin: kung boluntaryo at may pananagutang maglingkod ang mga lider-estudyante, bakit kinakailangang gumastos nang labis—lalo na sa mamahaling pagkain kung may mas praktikal at makataong alternatibo? Ang isyu ay hindi ang pagkilala sa serbisyo, kundi ang kawalan ng matibay at makatuwirang paliwanag kung bakit ganito kataas ang gastos at paano ito naging makatarungan sa harap ng mga estudyanteng patuloy na pinagbabayad.

No description available.

Enero 2026: Post mula sa Anonymous Facebook User na “Definitely_Not_USC14” sa Facebook group ng UMAK HERONS UPDATE” patungkol sa kritikal na pagsusuri sa Transparency Report ng University Student Council, partiukular sa paggastos ng pondo. 

 

Sa kabilang banda, iginiit ng USC na ang pondo para sa Freshmen Orientation “came from their income-generating activities from the previous term, which did not form part of the collected miscellaneous fees that the students have paid.” [nagmula ito sa kanilang mga income-generating activities noong nakaraang semestre, na hindi kabilang sa mga miscellaneous fees na binayaran ng mga estudyante.] Mahalaga ang paglilinaw na ito, ngunit para sa marami, hindi pa rin nito tinatanggal ang pangamba. Marami pa ring gastusin ang hindi malinaw, sobrang taas ang presyo, at may mga bagay na hindi matukoy ang layunin. Kahit hiwalay ang pinagmulan ng pondo, ang mismong tiyempo ng ulat at ang paraan ng paggastos ay nagbukas ng tanong na dapat harapin, hindi iwasan.

No description available.

Enero 2026: Tugon ng UMak University Student Council sa mainit na usapin tungkol sa kanilang Transparency Report.

Para sa maraming mag-aaral, ang bawat pisong binabayaran ay galing sa sakripisyo ng sarili at pamilya kaya hindi dapat minamaliit ang tanong kung saan ito napupunta. Ito ay perang ibinibigay nang may tiwala—na gagamitin nang responsable at para sa kapakanan ng nakararami. Ang katotohanan ay ang perang ginastos ay hindi pera ng konseho bagkus ito ay pera ng mga estudyante. Bawat pisong ginamit ay pisong maaaring napunta sa mas inklusibong proyekto, mas maraming estudyanteng natulungan, o mas pangmatagalang programang may malinaw na epekto. Kaya ang pagtatanong ay hindi kawalan ng tiwala; ito ay karapatan at obligasyon. Hindi rin dapat maliitin ang sentimyento ng mga alumni na nakilahok sa diskusyon. Ang kanilang mga tanong ay nagmumula sa malasakit at sa pagnanais na mapanatili ang integridad ng USC. 

Sa puntong ito, kailangang humarap ang USC sa katotohanan. Ang kapangyarihang humawak at gumastos ng pondo ay may kasamang mabigat na pananagutan. Ang pagsasabing may audit o “proper procedures” ay walang silbi kung nananatiling naguguluhan ang mismong estudyanteng kanilang kinakatawan. Hindi lamang ang konseho ang dapat tanungin—nararapat ding itanong sa Student Judicial Council (SJC), bilang Konstitusyonal na katawan at opisyal na Judicial Arm ng USC, kung bakit nananatili silang tahimik sa isyung ito. Ang pangunahing tungkulin ng SJC ay tiyakin na ang bawat aksyon at desisyon ng USC ay naaayon sa konstitusyon at by-laws lalo na sa mga gastusing kinasasangkutan ng pera ng estudyante. Ang kanilang kakulangan ng aksyon ay hindi simpleng kapabayaan; ito ay malinaw na pagtalikod sa responsibilidad na panatilihin ang integridad ng konseho. Kung sila mismo ay hindi maninindigan at kikilos, sino pa ang magtitiyak na ang pondo ng estudyante ay ginagamit nang tama at patas?

Ang pananagutan ay hindi nasusukat sa haba ng dokumento o sa dami ng prosesong dinaanan, kundi sa kung gaano ito naiintindihan at tinatanggap ng publiko. Kung may pangangailangang ipagtanggol ang bawat sentimo sa pamamagitan ng mahahabang pahayag, marahil hindi ang mga estudyante ang may problema—kundi ang paraan ng presentasyon ng katotohanan.

Hindi kaguluhan ang pagtatanong. Hindi rin ito kawalan ng respeto. Ito ay aktibong pakikilahok sa demokrasya ng pamantasan. Kaya ang panawagan ay hindi lamang para sa konseho kundi sa buong komunidad ng UMak: makialam, magtanong, at manindigan. Kapag tumahimik ang mga estudyante, doon nagsisimulang mawala ang tunay na diwa ng pananagutan.

Huwag hayaang mabuo sa unibersidad ang kulturang sumusunod nang walang tanong—isang salamin ng kalagayan sa pambansang politika, kung saan madalas hindi pinapansin ang tinig ng mamamayan at ang pondo ng publiko ay nagagamit sa hindi malinaw na paraan. Ang tiwala at pananagutan ay kailangang ipaglaban, simula sa ating pamantasan. At ang mga lider-estudyante na hindi marunong makinig sa hinaing ng estudyante ay dapat tanungin: sino ba talaga ang kanilang pinaglilingkuran?

 

Isinulat nina Alanis Kate Aguirre, Joaquim Miranda, at Hannah Ysabelle Cocua
Iginuhit ni Remjan Ashley Pimentel