Ang Diwa ng Aktibismo
Sa matagal na panahon, bahagi na ng buhay estudyante ang aktibismo. Sa mga klasrum at lansangan, naging boses ang kabataan sa mga panawagan para sa pagbabago. Noon, ang mga estudyante ang nasa unahan ng laban para sa demokrasya, karapatan, at katarungan. Ngayon, bagama’t mas moderno at may social media na nagsisilbing plataporma, nananatiling pareho ang tanong: para saan nga ba ang aktibismo? Hindi ito simpleng paglabas sa kalye–ito ay pagpapahayag ng malasakit, pakikiisa, at paninindigan para sa kapwa at bayan.
Ngunit kung ang aktibismo ay patuloy na buhay sa mga paaralan, sino ang inaasahang maging pangunahing tagapagdala nito sa hanay ng kabatan?
Hulyo 2005: Pinangunahan ng Supreme Student Government ang malawakang walkout kung saan mahigit 1,000 estudyante, guro, at kawani mula UMak ang nagmartsa patungong Ayala Avenue laban sa administrasyong Arroyo.| Larawan mula sa University of Makati Center for Alumni Affairs Facebook Page.
Ang Papel ng Lider-Estudyante
Sa mga unibersidad, pangunahing inaasahan ang mga konseho ng mag-aaral bilang tagapagdala ng tinig ng kanilang kapwa mag-aaral. Hindi dapat simpleng event organizer ang lider-estudyante. Higit pa sa pagdaraos ng concerts o sports fests, tungkulin nilang maging kinatawan at maging boses ng kanilang kapwa mag-aaral. Kapag may isyu ng tuition, academic load, o pang-aapi, nararapat lamang na ang mga lider-estudyante ang unang lumalapit, hindi ang unang umiiwas.
Ang posisyon nila ay hindi isang gantimpala o pribilehiyo; ito ay isang malaking responsibilidad. Mandato ito mula sa mga estudyanteng bumoto at nagtiwala sa kanila, at tungkulin nilang ipagtanggol ang interes ng lahat, lalo na sa mga panahong sinusubok ang ating mga karapatan.
Isang malinaw na halimbawa nito ang ilang college student councils na naglabas ng matitibay na pahayag laban sa corruption issue sa flood-control projects. Ipinakita nila na kaya nilang gamitin ang kanilang boses para kondenahin ang katiwalian. Ngunit sa kabilang banda, kapansin-pansin ang kakulangan ng malinaw na inisyatiba mula sa mismong University Student Council (USC) ng UMak—ang pinakamataas na kinatawan ng estudyante sa buong unibersidad, at maging ang kasalukuyang pamunuan ng administrasyon.
Sa kabila ng malinaw na mandato, may mga pagkakataong tila naglalaho ang boses ng mga nagsisilbi dapat bilang pinuno.
Kapag Wala Kang Tindig, May Pahiwatig
Ngunit ano ang mensahe kapag ang mga lider ang nananahimik? Ang katahimikan ay hindi neutral–ito ay may pahiwatig. Para sa isang ordinaryong estudyante, mas mabigat ang pananahimik ng lider kaysa sa mismong panunupil na kinahaharap. Ang kawalan ng tindig ay nagiging simbolo ng pagkukulang, tanda ng pagtakas o pag-iwas sa tungkulin.
Ito’y lalo pang nagiging matingkad kung iisipin na kahapon mismo, Setyembre 21, isang student-led rally sa Rizal Park ang ginanap laban sa katiwalian, na inorganisa ng mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad. Kung ang ibang pamantasan ay nagawang ipakita ang kanilang paninindigan, bakit tila hindi ito nakikita sa UMak? Bilang isang pamantasang pinopondohan ng lokal na pamahalaan, mas nararapat sanang malinaw at matatag ang paninindigan nito sa mga isyung may kinalaman sa mismong gobyernong nagbibigay ng pondo.
Mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad sa Metro Manila na nakiisa sa rally laban sa korapsyon sa Luneta noong Setyembre 21, 2025 | Larawan mula sa Manila Today Facebook Page
Hindi rin maikakaila na sa mga nakaraang taon, may mga organisasyon at grupo sa UMak na nangunguna ng talakayan at pagkilos—mga grupong lumilikha ng espasyo para sa aktibismo at paninindigan sa loob ng pamantasan. Noon, sila ang nangunguna, at maraming estudyante ang kusang nakikisama. Sapagkat ang totoo, aktibo naman at handa ang mga Herons; ang kailangan lamang ay malinaw na pamumuno at direksyon. Ngunit sa kasalukuyan, ang mismong USC na siyang may pinakamalaking mandato at kapangyarihan ang nanahimik, at sa kanilang kawalan ng pagkilos, tila naisantabi ang kolektibong tinig ng mga estudyante ng pamantasan.
Sa Likod ng Katahimikan
Maraming posibleng dahilan kung bakit tila hindi aktibo ang mga lider-estudyante sa pagsusulong ng kolektibong pagkilos. Maaaring ito’y dahil sa takot sa red-tagging, pangamba sa imahe, bigat ng pasanin sa klase, o pressure mula sa administrasyon at nakatataas. Subalit hindi maikakaila na sa kawalan ng malinaw na inisyatiba, tila nagiging tahimik ang kanilang papel—kahit hindi naman sila lantaran na nananahimik.
Mahalaga ang pagkakaiba: hindi sila walang sinasabi, ngunit kulang ang galaw upang makapagtayo ng mga mekanismo at organisasyon na tunay na magsisilbing tinig ng kabataan. Ang pagkawala ng inisyatiba ay nagbubunga rin ng pagkawala ng kolektibong tinig ng mga estudyante.
Kaya’t sa gitna ng mga dahilan at limitasyon, lumilitaw ang tanong: ano ba talaga ang sukatan ng pagiging lider?
Paninindigan ang Mandato
Ang pagiging lider ay hindi lang tungkol sa pamamahala ng mga event o paggawa ng publicity materials. Hindi ito nakapako sa pagpapasaya ng madla o pagpapakintab ng pangalan ng konseho. Ang tunay na batayan ng pamumuno ay paninindigan—ang kakayahang tumindig kahit mahirap, at kahit walang kasiguraduhan.
Kung walang inisyatiba upang magsama-sama at kumilos bilang isang grupo, nawawala ang pinakamahalagang mandato: ang pagiging tunay na kinatawan ng estudyante. Dahil ang lider na walang tindig ay lider na walang direksyon, at ang katahimikan ay nagiging tanda ng pag-iwas, hindi ng paglilingkod.
Ang titulo ng student leader ay hindi lamang simbolo ng posisyon kundi paalala ng pananagutan. Ang bawat araw na lumilipas nang walang kongkretong pagkilos para sa kapakanan ng kapwa estudyante ay araw na nawawala ang pagkakataong ipagtanggol ang kanilang interes. Ang hindi pagkilos ay hindi simpleng kakulangan—ito ay pagbaling ng likod sa tiwala ng mga estudyanteng nagluklok sa kanila.
Paninindigan ang mandato sapagkat ang lider-estudyante ang unang tinatawagan sa oras ng krisis, ang unang inaasahan sa panahon ng pang-aapi, at ang dapat na pinakamatibay na sandigan ng kapwa mag-aaral. Kung wala ang kanilang paninindigan, saan hahawak ang mga estudyante? Kung sila mismo ay walang lakas ng loob, sino pa ang magbabangon ng boses ng pamantasan?
Ang Tinig na Kumakampay
Ang boses ng kabataan ay hindi dapat nakukulong sa papel o sa mga resolusyon lamang. Hindi sapat ang maglabas ng pahayag na mababasa lang sa social media; kailangan itong marinig sa pagkilos, sa organisadong paninindigan, at sa kongkretong pagbabago. Ang tunay na boses ay hindi lang naririnig, dapat ito ay nararamdaman, nakikita, at nakapagdudulot ng pagkilos sa komunidad.
Sa kasalukuyan, hindi naman tahimik ang mga lider-estudyante ng UMak—may mga pahayag, may mga proyekto, at may mga pagkilos. Subalit kulang ang sistematikong inisyatiba upang buuin ang kolektibong tinig ng mga estudyante. Dahil dito, nagiging limitado ang impluwensiya ng kanilang boses. Ang kawalan ng organisadong galaw ay nagbubunga ng kahinaan; at sa mata ng kanilang nasasakupan, ito’y maaaring magmukhang katahimikan rin—hindi dahil walang nagsasalita, kundi dahil kulang ang lakas at direksyon na dapat sana’y bumabalot sa kanilang tinig.
Higit pa rito, dapat tandaan na ang pamantasang gaya ng UMak ay pinopondohan ng buwis ng taumbayan. May moral na pananagutan ang bawat lider-estudyante na gamitin ang kanilang posisyon hindi lamang para sa internal na proyekto, kundi para rin sa mas malawak na interes ng kabataan at lipunan. Ang kanilang boses ay hindi personal na opinyon lamang, kundi mandato mula sa buong komunidad ng mag-aaral.
Kaya’t kung ang tinig ng kabataan ay kumakampay lamang sa hangin at hindi nagiging buo’t matatag na sigaw, paano ito makakaabot sa mga nararapat makarinig? Ang boses ay hindi dapat manatiling alingawngaw sa iilang silid—ito ay dapat maging malakas na sigaw na umaabot sa lansangan, sa lipunan, at sa mga pinuno ng bayan.
Kung Kabataan ang Pag-asa ng Bayan…
Kung kabataan nga ang pag-asa ng bayan, paano ito maisasakatuparan kung ang mga lider-estudyante mismo ay natutong manahimik? Masigla man ang aktibismo ngayon kumpara noon, nananatiling hamon ang pagkakaroon ng matibay na organisadong hanay na magsisilbing kolektibong tinig. Sa kabilang dako, hindi nangangahulugang wala nang kakayahan ang kabataan; bagkus, kailangan lamang muling buhayin ang diwa ng aktibismo at ang lakas ng sama-samang tinig.
Ang katahimikan ay hindi neutral—isa itong pahiwatig. At kung ang lider-estudyante ay walang tindig, ano pa ang silbi ng kanilang mandato? Ang pagiging kabataan ay hindi lisensya upang umiwas, kundi pagkakataon upang mag-ambag sa pagbabago. Kung ngayon pa lamang ay pinipiling manahimik, paano pa kaya sa labas ng pamantasan, kung saan mas mabigat ang laban at mas matindi ang panunupil?
Kaya’t isang panawagan ito: ibalik ang diwa ng aktibismo, ang tapang ng paninindigan, at ang tunay na tinig ng kabataan. Sapagkat ang hinahanap ng bayan ay hindi bulong ng pag-aatubili, kundi sigaw ng paninindigan.
Ang tinig ng kabataan—hindi bulong, kundi sigaw. Hindi bukas, kundi ngayon.
Written by Alanis Kate Aguirre
Illustrated by Mary Cathyrine Estoque


