PamamaHAYAG: Kalayaan o Katahimikan?

#DefendPressFreedom ang laging panawagan ng madla, sa paaralan man, sa social media, at maging sa kalsada. Sa panahon ngayon, patuloy pa rin nating makikita ang bawat aksyon ng isang mamamahayag, patuloy sa pangangalap ng katotohanan at walang kinikilingan, mga propesyunal man o mga campus journalists. Ngunit, kahit gaano pa katotoo ang ilahad na impormasyon at balita sa madla, kung mayroon silang ibang nais paniwalaan o pagtakpan ay mababalewala lamang ang kahalagahan ng pamamahayag na nagiging sanhi ng negatibong interpretasyon ng mga mambabasa at nakatataas. Kung nakasaad sa Artikulo 3, Seksyon 4 ng 1987 Konstitusyon na may kalayaan tayo na magpahayag, bakit patuloy na pinatatahimik ang midya? Hanggang kailan ba kailangang managot ng mga mamamahayag dahil lamang sa paglalahad ng katotohanan? 

Sa administrasyong Duterte, talamak ang mga hindi magandang salitang natanggap ng mga mamamahayag, kabilang na rito ang pag-akusa sa kilalang mamamahayag na si Maria Ressa dahil sa pagpapakalat umano ng hindi makatotohanang balita sa kaniyang platapormang Rappler. Hindi natapos ang isyu ng administrasyon laban sa mga mamamahayag, mas naging marahas pa ito na nagresulta sa walang-awang pagpatay sa 20 mamamahayag sa loob ng kaniyang termino. Dagdag pa rito, sa kaniyang termino rin tinanggalan ng prangkisa ang isa sa malaking media outlet ng bansa–ang ABS-CBN. Noong panahong ito, mas nakilala ang SMNI na pag mamay-ari ni Apollo Quiboloy na lantarang nakasuporta kay dating pangulong Duterte. 

Hindi lamang sa ganitong mga pagkakataon pinatatahimik ang pamamahayag, maging sa mga paaralan ay nangyayari ito kung saan ang mga campus journalists ay nakararanas ng red-tagging mula sa kanilang lokal na gobyerno, mga kapwa mag-aaral, o maging sa mga nakatataas na administrasyon. May mga pagkakataon kung saan ginagawa lamang ng mga manunulat ang kanilang tungkuling maghatid ng impormasyong makatotohanan, negatibo man ito o hindi–na pinabubura ng nakatataas kapag ito ay nakatanggap ng hindi magandang komento mula sa mambabasa. Nakasaad sa Republic Act 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991 na may kalayaan ang paaralan na magkaroon ng publikasyon para sa mga mag-aaral. Ngunit bakit ang institusyon din mismo ang nagpapatahimik dito? 

Dahil sa mga ganitong pangyayari, unti-unting nababawasan ang tiwala ng mga mamamayan sa kapangyarihan ng pamamahayag.  Mas pipiliin na lamang nilang paniwalaan kung anong mas madaling mahagilap kahit pa hindi ito totoo. Dahil din dito, llumalabas na ang tanging papel lamang ng mga mamamahayag ay kalabanin ang gobyerno o mga nakatataas kahit pa ang intensyon lamang nila ay makapagpalaganap ng makatotohanang balita sa publiko. 

Sa maraming taon na nararanasan ito ng mga mamamahayag, mas nananaig pa rin ang tungkuling makapag-serbisyo sa bayan. Kaya naman, nararapat lamang na mas paigtingin pa ang pagtataguyod ng kanilang karapatan at suportahan ang kanilang pagbabalita. Dahil sa huli, ang mga mamamahayag pa rin nagsisilbing boses ng mga taong walang boses. Sila ang nagsisilbing tulay mula sa mga nakatataas patungo sa publiko, kaya tayo nakapagbibigay din ng ating sariling pananaw sa mga isyung panlipunan at sa loob ng paaralan. At higit sa lahat, sila ang nagmumulat sa mga taong patuloy na nagbubulag-bulagan mula sa harap-harapang katiwaliang nangyayari sa ating bayan.

Sources:

USMO

The official news website of the University of Makati Student Multimedia Organization. We, the campus journalists of the University of Makati, as a duly recognized student publication, shall adhere to the principles and ethics of journalism, mission-vision, and objectives of the university and organization; to advocate autonomous campus press ideals as a genuine service and aid in the formation of trustworthy and devoted student journalists and leaders, do ordain and promulgate this Constitution and Bylaws.