Makating Pulitika: Sa Ingay ng Bangayan, Nabaon ang Bayanihan

Ang pulitika sa Makati, tila teleserye — ang problema, totoong buhay ang apektado. Sa halip na isang maayos at propesyonal na transisyon ng pamumuno, muling naharap ang lungsod sa usaping pampulitika na may halong personal na kulay. Sa pinakahuling kabanata ng kasaysayan ng mga Binay sa pamahalaan, naging sentro ng atensyon ang pag-upo ni Nancy Binay bilang bagong alkalde, kapalit ng kanyang kapatid na si Abby Binay.

Hindi na bago sa publiko ang tensyon sa pagitan ng magkapatid — isang hidwaang muling sumiklab sa halip na humupa sa panahon ng pagpapalit ng liderato. Sa ganitong eksena, sino ba talaga ang pinaglilingkuran: ang bayan o ang sariling pangalan?

Kapwa may matibay na karanasan sa pulitika sina Nancy at Abby. Si Abby ay naglingkod bilang alkalde ng Makati sa loob ng tatlong termino, kilala sa mga programang nakatuon sa modernisasyon, maayos na pamamahala sa pondo, at urban development. Sa kabilang banda, si Nancy ay may karanasan bilang mambabatas, nagsilbi bilang senador sa loob ng siyam na taon bago magdesisyong tumakbo bilang alkalde noong 2025 — isang desisyong tila lalo pang nagpatindi sa hidwaan sa loob ng pamilya.

Sa nagdaang halalan, si Nancy ay lumaban sa asawa ni Abby na si Luis Campos na nanungkulan bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Makati.
Ang labanan sa posisyon ay hindi na lamang naging tungkol sa partido o plataporma, kundi naging malinaw na salamin ng alitan sa loob ng pamilyang matagal nang may impluwensya sa pulitika ng Makati.

Sa halip na isang mapayapang transisyon, nauwi ito sa tensyon, pagdududa, at pagtutol. Ang mga proyekto at polisiya ng nakaraang administrasyon ay ngayo’y isinasailalim sa masusing pagsusuri, pagpuna, at sa ilang pagkakataon, tahasang kinokontra ng kasalukuyang pamunuan.

Isa na rito ang kontrobersyal na Makati Subway Project, sa ilalim ng dating administrasyon, lumagda si Abby Binay sa isang settlement deal na may kaugnayan sa nasabing proyekto — kasunduan na ngayon ay inaalmahan ng bagong administrasyon. Ang planong magtayo ng subway, na inilunsad bilang isa sa flagship projects ni Abby, ngayon ay nababalot sa alegasyon ng kakulangan sa transparency at posibilidad ng pabigat sa pondo ng lungsod.

Ang proyektong minsang itinuring na simbolo ng kaunlaran, ngayon ay naging larangan ng iringan. Sa halip na pag-usapan kung paano ito mapakikinabangan ng publiko, mas namayani ang usapin ng kapangyarihan at pamana.

Habang patuloy ang alitan sa pagitan ng dalawang Binay, hindi rin maikakaila ang mas malawak na usapin hinggil sa hinaharap ng Makati—lalo na kaugnay ng mga lugar na dating nasasakupan nito. Ngayon na ang Taguig na ang may hurisdiksyon sa EMBO barangays matapos ang pinal na desisyon ng Korte Suprema, muling nasusubok ang kakayahan ng lungsod na makipag-ayos at makipagtulungan. At habang abala ang lungsod sa pagtanggap ng bagong pamunuan, kasabay nito ang hamon ng pagbubukas ng bagong yugto ng ugnayan sa Taguig. Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, nakasalalay ang posibilidad ng pagbabalik ng mahinahong usapan at kolaborasyon—o ng patuloy na hidwaan na muli lamang magpapalala sa sigalot ng lokal na pulitika.

Sa huli, ang nangyayari sa Makati ay hindi lamang kwento ng isang pamilyang sangkot sa kapangyarihan, kundi salamin ng mas malalim na suliranin sa sistemang pampulitika ng bansa—kung paanong ang personal na alitan ay nagkakaroon ng konkretong epekto sa serbisyo, proyekto, at kapakanan ng mamamayan. Mula sa kontrobersyal na transisyon ng liderato, sa kinukuwestyon na subway project, hanggang sa masalimuot na ugnayan sa Taguig, malinaw ang larawan ng isang pamahalaang kailangang pagpasyahan kung ang tunay na prayoridad ay ang kapakanan ng bayan, o ang kapangyarihang pinipilit panatilihin.

Kung may dapat baguhin, ito ay ang pananaw sa pamumuno. Kailangang manaig ang prinsipyo ng pagpapatuloy at pananagutan, kung saan anuman ang administrasyon, ang mabubuting proyekto ay ipagpapatuloy, at ang mga kuwestyunable ay masusing susuriin, hindi dahil sa pangalan ng gumawa, kundi dahil ito ay nararapat para sa mga mamamayan.

Sa harap ng patuloy na bangayan, ang panawagan ay malinaw: ibalik ang sentro ng pamamahala sa taumbayan. Hindi ito laruan na pwedeng pag-agawan, hindi ito tropeyo ng paligsahan. Ang lungsod ay hindi entablado ng drama, at lalong hindi upuan ng kapangyarihan. Hindi kailangang maging personal ang pulitika. Ang dapat manaig ay ang malinaw na direksyon, bukas na komunikasyon, at matibay na pamumuno na may tunay na malasakit sa bawat residente.

Panahon na para sa mga lider na maging ehemplo ng pagkakaisa, propesyonalismo, at matalinong pamumuno. At higit sa lahat, panahon na rin para sa mga mamamayan — ang tunay na may-ari ng gobyerno — na maningil, makialam, at magsalita.

Ang lungsod ay sa mamamayan at hindi sa iilang pangalan.

 

Illustrated by Ma. Ysabelle Villacorte