Labing Selyado, Matang Desperado

Anong imahe ang ipinipinta mo sa iyong isipan tuwing bumabaybay dito ang katagang “pagmamahal”? Ani nila’y ang damdaming ito ay may natatanging hiwaga. Ang salamangka nito ay bumabalot sa bawat sandali ng ating buhay. Ngunit sa kahit anong halungkat ko ng samu’t saring diksyunaryo at salin, bakit tila ba’y hindi nito kayang tumbasan ang aking nadarama para sa iyo?

Ano nga ba ang pagmamahal?

Ito ba ang unti-unting pagguhit ng iyong larawan sa aking isipan kasabay ng malamyos na himig ng mga awiting pag-ibig na bumabalot sa aking pandinig?

Ito ba ang pagnanais na bumagal ang trapiko sa kahabaan ng kalsada upang makasama ka lamang nang mas matagal?

O maaaring… ito ang kakayahang buhayin ang isang kaluluwang matagal nang patay?

Nang una kitang masulyapan, ako’y nabighani. Ang iyong ganda ay para bang anghel na bumaba sa lupa, at ang kislap ng iyong mga mata’y tila pasilip sa hiwaga ng langit. Ang iyong boses ay parang musika — isang kantang hindi ko kailanman pagsasawaan ulit-ulitin. At sa iyong bawat galaw ay kasabay ng aking pagkahulog sa isang hipnotismo na hindi ko mawalayan — isang patunay ng kakaibang kapangyarihang taglay mo sa akin.

Maaaring ang pag-ibig, sa katotohanan, ay may iba’t ibang mukha at hugis. At marahil, ang pagmamahal ko sa iyo ay nakatago sa anyo ng mariing pagpigil sa damdaming gustong kumawala, sapagkat batid ko ang katotohanang hindi pa ako karapat-dapat magkaroon ng puwang sa iyong mundo.

Ang iyong presensya ay nakaukit na sa bawat sulok ng aking buhay, magmula ng magtagpo ang ating landas. Wala na akong makita at marinig kundi ikaw — ikaw na may hiwagang kayang patigilin ang oras tuwing nagtatagpo ang ating mga mata. At sa aking pagsuko sa katotohanang nabihag mo na ako, wari’y ipinagpasiya ng tadhana na aking sambahin ang ngalan mo.

Anong kalapastangan ang maaari kong gawin upang maihayag sa iyo ang damdamin kong ito? O hanggang dito na lang ba ako — isang tahimik na saksi, may mga matang nagsasalita ng mga lihim na hindi kailanman bibigkasin? Gustuhin ko man ang lumaban, ang sumugal, ang magpumilit, paano ko hahamakin ang katotohanang hindi lahat ng nais ay itinadhana?

Sa gitna ng kadiliman, saksi ang langit at bituin sa aking pananabik sa iyong anino — ang aninong unti-unting lumalayo sa kinatatayuan ko.

Anong magagawa ng umaapaw kong pag-ibig kung kapos ang bulsa?

Paano ko ibibigay sa iyo ang mundo kung ako ay pinagkaitan din nito?

Bawat sulok ng simbahan ay kabisado na ang iyong ngalan, isang ngalang sumasalamin sa aking bawat panalangin. Ngunit sa paglipas ng araw, natutuhan ko ring tanggapin — na may mga dasal na nananatiling bulong lamang sa hangin. At kung ang papel ko sa iyong kwento ay mahalin ka mula sa gilid, ang katotohanang ito’y buong puso kong yayakapin.

Hiling ko sa bawat bulalakaw na sumisilay sa kalawakan, ang pagdating ng araw na sabay na ang pag-indak ng ating mga kaluluwa, sumasabay sa iisang ritmo at himig na tayo lamang ang nakakaunawa. Sa ngayon, ang labi ko’y mananatiling selyado — pinipigilan ang pagkawala ng salitang “Mahal kita.”

Illustrated by Mary Cathyrine Estoque