May mga pag-ibig din palang hindi nagtatapos sa sigawan. Walang nasunog na liham, walang basag na pinggan. Tahimik lang—tulad ng katahimikan kapag may gusto kang sabihin pero hindi mo agad maalala, kapag may salitang nasa dulo na ng dila.
Sa totoo lang, napapansin ko ang bawat maliliit na bagay patungkol sa ‘yo. Sabik ako sa paraan ng paghawak mo sa kamay ko, kabisado ko na kasi ang bawat pasikot-sikot ng mga linya sa palad mo. Napapansin ko rin kung paano bahagya mong iniikot ang mga mata kapag nag-iisip ka. Alam ko rin ang tunog ng bungisngis mo kapag may nasasabi akong nakakatawa—iyong pigil muna, saka dahan-dahang kumakawala. At sa bawat sandali na gano’n tayo, nararamdaman ko na kahit tahimik, may koneksyon tayong hindi kayang sirain ng ingay o ng distansya.
Kasabay nito, nakita ko rin kung gaano ka kahilig sa musika. May mga kantang paulit-ulit mong pinatutugtog habang nag-aaral o habang nakasandal lang sa bintana. Madalas kitang tanungin kung bakit iyon ang gusto mo—kung anong alaala ang nakakabit doon, kung anong pakiramdam ang hinahabol mo sa bawat tono. Ngingiti ka lang, sasabihing, “Basta gusto ko lang.” Tinatanggap ko na iyon bilang sagot, kahit na gusto kong maintindihan ka nang higit sa nakikita at naririnig ko.
Ako naman mahilig sa libro. Lumaki ako sa pagitan ng mga pahina at kumapit sa mga makasaysayang tagpo. Hindi lang sa kwento, kundi sa paraan kung paano ako pinapahintulutan nitong kilalanin ang sarili ko. Hindi ko alam kung kailan nagsimula, pero doon ko natutuhang maging mausisa, lalo na sa mga salitang hindi ko masabi at sa mga tanong na matagal nang walang sumasagot.
At siguro dahil doon, nasanay na rin akong hindi tinatanong kung bakit ako biglang tahimik, kung bakit minsan ayaw kong umuwi agad, o kung bakit mas pinipili kong maglakad mag-isa kahit gabi na. Hindi dahil wala kang pakialam, siguro. O baka gano’n ka lang talaga magmahal—hindi maingay, hindi mapagtanong, basta’t naroon. At sa loob ng matagal na panahon, naniwala akong sapat na rin iyon.
Hanggang sa naghiwalay tayo nang halos walang paliwanag. Walang sigawan, walang nasunog na liham, walang nabasag na pinggan. Tila napagod lang pareho magpanggap na buo pa ang isang bagay na matagal nang may bitak. Hindi ako agad nalungkot. Mas nangingibabaw pa nga iyong katahimikan. Hindi iyong uri ng katahimikan kapag may hinahanap ka na salita na nasa dulo na ng dila—mas kahawig ito ng puwang na pareho nating iniiwasang tingnan.
Akala ko hindi iyon mahalaga. Pero kung tatanungin mo ako ngayon kung kilala mo ba ako noon, hindi ako sigurado.
Mas naging maingay na ang mundo ko kaysa dati. O baka mas naririnig ko lang ang sarili at isip ko. Dahil napansin kong wala palang nakakaalam kung bakit ako umiiyak sa pelikula kahit hindi naman malungkot. Wala ring nakapansin kung bakit bigla kong binitiwan ang hilig ko sa pagsulat. Wala ring nagtatanong kung anong iniisip ko tuwing matagal akong nakatulala sa buwan.
Sa isa sa mga gabing iyon, hindi ko na alam ang isasagot sa simpleng “Kumusta?” hindi dahil wala akong dahilan, kundi dahil ngayon ko lang naisip na may gustong makarinig nito.
Hindi ko sinisisi ang dati kong minahal. Minahal niya ako sa paraang alam niya. Ngunit may mga pag-ibig palang hindi marunong magtanong—at kapag walang tanong, unti-unting tumitigil ang pagkilala.
Dalawang taon din iyon. Dalawang taon ng mga gabing inaabot ng madaling araw sa tawanan, biglaang regalong hindi naman kailangan, at mahahabang tawag na nauuwi rin sa katahimikan. Palaisipan pa rin kung sino ba talaga ako lampas sa nakasanayan naming bersyon ng isa’t isa.
Siguro doon nagsisimula ang ika-anim na anyo ng pag-ibig—hindi sa pisikal, oras, regalo, gawi o salita, kundi sa pagpapatuloy ng pag-uusisa. Sa iyo. Sa sarili. Sa mundo. Sa posibilidad na balang araw, may mababatid akong hindi matatakot magtanong… at hindi rin matatakot marinig ang sagot.
Kung mahal kita, hindi ako titigil magtanong. Hindi dahil kulang ka—kundi dahil naniniwala akong walang taong tapos nang tuklasin. At kung may magmahal man sa akin ulit, sana gano’n din siya. Mausisa. Maingat. Magaan.
Minsan naiisip ko pa rin: Kung mas madalas mo ba akong tinanong noon—kung ano ang kinatatakutan ko, kung ano ang paborito kong libro, kung saan nanggagaling ang lungkot ko—mag-iiba kaya ang naging tayo?
Hindi ko alam. At marahil, hindi na rin mahalaga.
Larawang guhit ni Mary Cathyrine Estoque
