Narinig ko ang mumunting patak ng likidong nahulog sa baso, isang maliit na dagok sa katahimikan ng madilim na silid. Inangat ko iyon, at sa pulang repleksyon, nakita ko ang lungag sa ilalim ng mga matang uhaw sa pahinga—gutom sa saglit na ginhawa.
Ramdam ko ang pagnanasa na walang pangil, isang kasabikang dalisay ngunit dumudurog sa aking laman. Hindi umaalingawngaw, ngunit lumalamon at sumisiksik sa kaibuturan ng aking pagkatao. Parang apoy na hindi nagbubuga ng usok, ngunit nagliliyab sa bawat ugat, pinipilit ang dugo ko na umagapay, hinahanap ang patak ng init upang patahimikin ang walang katapusang gutom at uhaw.
“Maghubad ka—kakainin ko ang kalamnan mo.”
Tuso ako kung sasabihin kong sentro sa iyo ang bawat bulong ko. Sinungaling ako kung bibigkasin kong sumisimsim ako ng laman at dugo, sinisipsip hanggang buto, nilulunok maging pawis at laway mo—sapagkat ang katawan ng tao ay aking santuwaryo, at ang pagnanasa ko ang sakripisyo.
Marahil hindi ’yan totoo, pero aaminin kong ako’y bampirang nagkukunwaring tao. At may sala ba sa ganitong pagkagahaman kung hindi ang balat mo ang aking kinokonsumo, bagkus ang sarili ko?
Oo, kanibal ako sa sariling laman. Ang init ng balat ko’y tawagin nating simbahan; ang sakit ay panalangin sa ngalan. Ito ang sariling himaymay na pipiliin kong ihain—ang pagkain na tanging bubuhay sa akin.
Hindi naman kasi ito mahihinuhang halimaw sa simula, dahil mukha itong disiplina at pagtitiyaga —na para bang ang pagkaubos ng laman ay isang biyaya at ang dusa’y tinatawag na gawa ng diwata. May lasa naman kasi ang pagtitiis: isang matamis na kalawang sa bawat singaw ng bibig, parang dugong piniga sa pagitan ng ngipin; kahit alam mong ikaw ang unti-unting iniihaw sa sariling labi, ngingiti ka pa rin dahil ika’y makakakain.
Nilulunok mo ito dahil iyon ang hinihingi ng lipunan. Tinatawag mo itong ambisyon, tinatawag mo ring debosyon, dahil iyon ang inuutos ng sangkatauhan. Pero kung hindi ibabalot sa pulot ang dusa’t katotohanan, ’wag ka nang mag-atubili’t bigkasin: ito ay pagkain ng laman.
Isang uri ng kanibalismo na araw-araw pinuputol ang bahagi ng sarili at tinatawag itong progreso.
Ngunit paano kung unti-unting natutong sumuko ang katawan, kapag ang kaluluwa’y tahimik nang nilalapastangan? Puyat sa aral, pagod sa hanapbuhay, dugo ang puhunan sa bawat tagumpay. Habang pinupuri ka sa tibay at galing, karne mo ang kapalit sa bawat ningning.
Ikaw ang handog, maging ang dambana—ang kutsilyo’t lalamunan sa iisang panata. Saludo sa ngiti mo kahit kapos ang hinga, binubulong: isa pa, kaya pa, may susunod pang umaga.
Ang sugat sa leeg ay ’di kagat ng iba—sarili mong ngipin ang dahilan ng dusa. Ginagapang ng dila ang hiwa, nilalapa ang laman na tila misa. Dugo ang tinta ng iyong pagsusumikap, at kapag tumigil ka sa pagnguya, saka mo lang maririnig ang kalansing ng kaluluwang hindi sanay, kaya magwawala.
Huhulaan ko’t mananatili ka pa rin sa ritwal na marahas, sa paulit-ulit na ritmo ng bukas. Dahil sa mundong gutom sa ginto, auto-konsumo na siguro ang bagong santo. Payak na kasi kung hindi nangungunsumo, pero payag kung kanibalismo—
sapagkat sa sistemang ito,
ang tanging paraan para mabuhay,
ay ang mamatay nang marahan,
habang ngumunguya ng sariling laman.
Ito siguro ang kinakatakutan ko: ayokong niroromantisa ang pagod na nangungunsumo; ngunit kung ito ang daan para mabuhay sa mundong ito—
sige, kakainin ko ang sarili ko.
Isinulat ni Janessa Frizzia Visaya
Iginuhit ni Mary Cathyrine Estoque
