Babaeng Pinuno, Bagong Anyo ng Liderato

Noon pa man, ang liderato sa Pilipinas ay madalas ikinakabit sa kalalakihan. Sa kasalukuyan, ang kababaihan ay patuloy na bumabasag sa mga lumang pananaw at nagtatakda ng panibagong pamantayan sa pamumuno. Hindi na lamang sila itinuturing na tagasuporta o nasa likod ng isang makapangyarihang lalaki—sila mismo ang nasa harapan, pinangungunahan ang pagbabago sa pulitika, negosyo, agham, edukasyon, at iba pang sektor ng lipunan. Ang kanilang kakayahan, integridad, at malasakit ang nagbubukas ng bagong yugto ng liderato sa bansa.

Sa kasaysayan, malaki na ang naiambag ng kababaihan sa pagtatanggol at pagpapaunlad ng bansa. Sa panahon ng kolonyalismo, ang mga kababaihan tulad nina Melchora Aquino, na tinaguriang “Tandang Sora,” ay nagbigay ng suporta sa mga rebolusyonaryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain, gamot, at kanlungan. Si Gregoria de Jesus, na tinaguriang “Lakambini ng Katipunan,” ay may mahalagang papel sa rebolusyon bilang tagapangalaga ng mahahalagang dokumento ng Katipunan at tagapag-organisa ng mga kababaihang rebolusyonaryo.

Ngayon, ang kababaihan ay hindi na lamang katuwang sa pagbabago—sila na mismo ang mga nangunguna sa pakikibaka para rito. Ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong Disyembre 2023, ang labor force participation rate ng kababaihan ay nasa 56.27%, habang ang sa kalalakihan ay 76.97%. Bagama’t may agwat pa rin, ang 56.27% ay nagpapakita ng malaking pagtaas ng presensya ng kababaihan sa mga trabaho kumpara sa nakaraang mga dekada. Ang pagtaas na ito ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa dinamika ng trabaho sa bansa, kung saan ang kababaihan ay aktibong nagiging bahagi ng ekonomiya.

Si Corazon Aquino, ang unang babaeng pangulo ng Pilipinas, ay nagsilbing simbolo ng demokrasya matapos ang diktadura. Si Leni Robredo naman, sa kabila ng limitadong kapangyarihan bilang Bise Presidente, ay nagpakita ng epektibong pamumuno sa pamamagitan ng mga programang direktang tumutugon sa pangangailangan ng mahihirap. Mula sa Angat Buhay hanggang sa mabilis na aksyon sa panahon ng pandemya, ipinakita niya na ang mahusay na lider ay hindi lamang nakikita sa titulo kundi sa tunay na paglilingkod.

Hindi rin nagpapahuli ang mga Pilipina pagdating sa negosyo. Si Teresita Sy-Coson, ang tagapangulo ng BDO Unibank, ay isa sa pinakamakapangyarihang negosyante sa bansa, na nagpalawak ng negosyo at nagbigay ng maraming oportunidad sa mga manggagawa. Ganito rin ang kwento ni Robina Gokongwei-Pe, na matagumpay na namamahala sa Robinsons Retail Holdings Inc. Ipinapakita ng mga babaeng ito na hindi lang kalalakihan ang may kakayahang pamunuan ang malalaking korporasyon—disiplina, talino, at sipag ng kababaihan ay sapat upang dalhin ang ekonomiya sa bagong taas.

Nangingibabaw din ang kakayahan ng kababaihan sa larangan ng agham at medisina. Si Dr. Reina Reyes, isang astrophysicist, ay kinilala sa kanyang pag-aaral na nagpapatunay sa teorya ni Albert Einstein. Si Dr. Angel Alcala, bagama’t nasa larangan ng marine biology, ay nagbigay-daan sa mga makabagong polisiya upang maprotektahan ang likas na yaman ng Pilipinas. Samantala, sa panahon ng pandemya, maraming babaeng doktor, nars, at health workers ang naging sandigan ng bansa sa laban kontra COVID-19. Sila ang tunay na bayani na sa kabila ng pagod at panganib, ay patuloy na naglilingkod sa sambayanan.

Hindi matatawaran ang mahalagang papel ng kababaihan sa larangan ng edukasyon. Ayon sa datos ng Commission on Higher Education (CHED) para sa Academic Year 2018-2019, 70,466 o 52% ng kabuuang 136,186 na mga guro sa mga unibersidad at kolehiyo ay kababaihan. Ang kanilang dedikasyon at malasakit sa pagtuturo ay patunay na ang edukasyon ay isa sa mga pinakamatibay na pundasyon ng kaunlaran.

Sa kabila ng mga tagumpay, hindi pa rin lubusang nawawala ang mga hadlang. Ayon sa Philippine Commission on Women, bagama’t may mga senyales ng pag-unlad sa representasyon ng kababaihan sa gobyerno at iba’t ibang industriya, nananatili ang matinding diskriminasyon at kawalan ng pantay na oportunidad. Sa larangan ng pulitika, ang mga estereotipo ay patuloy na humahadlang sa pagtitiwala ng publiko sa mga babaeng kandidato. Sa mundo ng korporasyon, ang mga pinakamataas na posisyon ay nananatiling mailap para sa maraming kababaihan. Ang patriyarkal na kultura ay isang matibay na pader na patuloy nilang nilalabanan.

Upang mapabuti ang kasalukuyang sitwasyon, kailangang palakasin ang gender-inclusive policies upang magkaroon ng mas maraming batas at programa na nagtataguyod ng pantay na oportunidad para sa kababaihan sa trabaho at pulitika. Mahalaga rin ang pagbibigay ng mas maraming leadership training at mentorship programs upang mas maraming kababaihan ang mahubog bilang lider sa iba’t ibang larangan. Bukod dito, dapat ding palakasin ang edukasyon sa gender equality upang mabuksan ang kamalayan tungkol sa gender roles at biases, na makatutulong upang unti-unting matanggal ang diskriminasyon laban sa kababaihan. Higit sa lahat, kailangang magkaroon ng suporta mula sa komunidad, kung saan lahat ay nagtutulungan upang palakasin ang papel ng kababaihan sa lipunan.

Ang pag-usbong ng kababaihan sa liderato ay isang hindi mapipigilang pagbabago. Sa bawat babaeng humahakbang pasulong, unti-unting nagbabago ang mukha ng pamumuno sa Pilipinas. Hindi na ito usapin ng pisikal na lakas, kundi ng epektibong pamamalakad, tunay na malasakit, at dedikasyon sa paglilingkod. Itaguyod natin ang pantay na oportunidad, dahil ang hinaharap ng liderato sa Pilipinas ay pag-aari ng lahat. Hindi ito isang pribilehiyo, kundi isang karapatan. Kaya’t sama-sama tayong bumuo ng isang bukas na lipunan, kung saan ang bawat Pilipino, anuman ang kasarian, ay may kapangyarihang mamuno at maglingkod.

Written by:  Sherwin De Guzman
Illustrated by: Mary Cathyrine Estoque